Monday, December 19, 2005

Nasa Puso ang Cubao

Ang pinakaunang Mall sa Pilipinas ay ang Ali Mall (1976) na ipinatayo ng pamilyang Araneta bilang parangal sa dakilang Boksingerong si Muhammad Ali na lumaban kay Joe Frazier sa Araneta Coliseum noong October 1, 1975, ang pamosong "Thrilla in Manila". Ang Ali Mall ang una ding mall na mayroong skating rink, kaya lang ay tinanggal na ito ngayon. Wala na din ang masarap kainan na Coney Island sa loob nito.

Hindi na yata mawawalan ng tao sa Cubao, lalo na ngayong mag-papasko, lalong dumami ang mga mamimili. Para sa akin, isa sa mga alternatibong lugar ang Cubao kung ikaw ay naghahanap ng murang bilihin. Una maraming tindahan ng ukay-ukay dito, pangalawa, madaling puntahan, pangatlo walang gaanong trapik (di tulad ng Divisoria at Quiapo na nagmismistulang parking space ang mga kalsada tuwing magpapasko dahil sa sobrang trapik), at panghuli madaling magpapara dito ng taxi (di tulad sa Greenhills, Makati, o Mandaluyong)
Kanina, hinatid ko ang aking bayaw sa Araneta Center Bus Terminal dahil uuwi na siya sa Calbayog.

Hanggang ngayon ang Bus Terminal sa Cubao ay di pa rin nagbago, atip na yero pa rin ang bubungan, at sapak pa rin sa tao. Ito ay sa kabila ng maraming modernong pagbabagong naganap sa Cubao(tulad ng Gateway Mall), sa nakalipas na taon.

Grabe ang daming tao sa terminal, yung iba kagabi pa lang ay naghintay na doon pero sa malas ay talagang punuuan ang mga bus. Ang kanilang mga bagahe ay nakatambak na sa mga dinadaanan. Dangkasi ang daming pasahero nagpareserba ng tiket noong nakaraang buwan pa. Ganyan pala ang teknik upang hindi maabala sa pagpila at paghintay ng bakanteng upuan. Ang daming naghihintay na pasahero sa terminal. Karamihan sa kanila ay wala pang tiket dahil maraming nagpareserba isang buwan pa ang nakakalipas.

Mabuti na lang habang naghihintay kami kanina ng naka-iskedyul na bus, mayroong isang pasahero na nagkansela ng kanilang reserbasyon kaya ayun madali naming binili yung tiket niya. Ang presyo ng pamasahe sa Calbayog ay 890 pesos, libre na ang sakay ng Ferry sa Matnog. Ang bus kasing patungong Bisaya ay kailangang tumawid ng San Bernardino Strait sa pagitan ng Matnog, Sorsogon at Allen, Samar. Sumasakay ng Ferry yung bus at tinatahak ang dagat. Pagkatapos niyang bilhin ang tiket, bumili ang bayaw ko ng isang malaking lata ng biskwit para ipasalubong sa kanyang pamilya, tapos sumakay na siya at nagpaalam na kami sa isa't-isa. Ang karaniwang pasalubong sa mga lalawigan sa Bisaya ay ang mga balde baldeng lata ng biskwit na ito. Ewan ko ba pero parang lagi akong nabibilaukan kapag kumakain ng ganitong biskwit. Pero paborito yata ito ng mga kababayan nating bisaya dahil laging ito ang nakikita kong bitbit nila pag uuwi ng kanilang lalawigan.

Ayan, palabas na ng terminal ang bus na sinakyan ng aking bayaw. Von Boyage, este Bon Boyage, hehe wrong speling.

Ako naman lumibot-libot muna sa terminal upang kumuha ng mga litrato, kaya lang sinita ako nung gwardya at ang sabi ay bawal daw ang kumuha ng mga larawan. Mabuti na lang nakunan ko na kaya ang sabi ko na lang ay "pasensya na po at maligayang pasko na rin sa iyo brod".

Yung gwardiya habang nagtutungayaw na bawal daw kumuha ng larawan. "Hoy bawal yan" ang sabi niya sa kin.

Nung humingi ako ng paumanhin ay nagsabi siyang ayos lang daw, basta wag ko na uulitin. Para bang nung sinabi niya sa kin yon ay para akong batang paslit na gumawa ng kasalanan na di ko na dapat muling gawin. Tapos lumayo na ko sa kanya para kumuha uli ng larawan, sa dakong di na niya ako mapapansin.

Maligayang Pasko sa Inyong Lahat.

No comments:

Post a Comment