Tulad ng inaasahan ng lahat ang Pasko ay dumating sakto alas dose kagabi, walang kapalya-palya. Sakto. Pagkatapos ng ilang mahabang buwang paghihintay at walang katapusang gastusan, heto at narito pa rin tayo pareho pa rin sa dati, maliban na lang na mas maraming hugasing pinggan, mas tumaba ng kaunti, at medyo nabawasan ang mga inipong salapi (ano bang medyo?)
Taon taon ginagawa natin yan at di tayo nagsasawa. Totoong tayong lahat ay nakaranas ng hirap sa kabuhayan nitong mga nagdaang taon(maliban na lang sa mga kongresman at senador) pero ang pagdiriwang at mga piging ay hindi natin kinaliligtaan, manapa'y lagi nating pinaghahandaan, sukat ang tayo'y magipit sa mga susunod na panahon.
Kaya nga tayong mga Pilipino ay itinuturing na isa sa pinakamasasayang tao sa buong mundo. May angkin tayong katangian na magsaya sa gitna ng mga pagdarahop, at ito'y hindi natin isinisisi sa ating katangiang pagwawalang bahala. Siguro talagang kailangan natin ang mga kasiyahang ito lalo na sa eksaktong pagtatapos ng taon. Sa kabila ng mga hirap at paghihikahos na dinaanan natin sa loob ng isang taon, kailangan natin ng mga pagdiriwang na makakapawi sa ating mga paghihirap. Iniaaatas ng ating "subconscious" ang pagdiriwang upang mabalanse ang ating mga kalungkutan sa buhay, kung hindi'y maaaring marami sa atin ang maaaring maging "neurotic". Yan ay sang-ayon na rin sa "psychoanalysis" ni Sigmund Freud.
Ako mismo, na sa ngayon ay wala ng regular na trabaho, ay naghanda rin ng mga tradisyunal na pagkaing Pilipino noong nakaraang Noche Buena. Sa aming hapag kainan ay nakahanda ang isang bilaong biko, isang Pamyestang hamon, isang kaldero ng menudo, mainit na kanin, at isang palayok ng mainit na tsokolate. Walang Keso de Bola dahil mahal, walang mga ubas dahil ang mahal din, at wala ding Fruit Cake dahil ang mahal din.
Ipinagdiriwang ko ba ang kapanganakan ng panginoong Hesus sa araw ng Pasko? Hindi, dahil hindi naman talaga ipinanganak si Kristo sa petsang Disyembre 25. Sa katunayan kahit bali-baliktadin mo man ang Bibliya ay wala kang makikita na may binanggit na petsa ng Pasko, at wala ding binanggit na Haring Gaspar, Melchor at Baltasar na dumalaw sa sanggol na si Hesus sa Bethlehem. Ang nakasulat lamang sa Bibiliya ay dinalaw si Hesus ng "mga haring mago". Hindi binanggit kung ilan sila o ano ang mga pangalan nila.
Kung gayon bakit ako naghanda ng mga pagkain? Una ay may inaasahan akong mga bisita. Pangalawa'y upang maidaos lamang ang tradisyon ng paghahanda at pagsasalu-salo tuwing Noche Buena sapagkat ito ay kinagisnan ko na sa aking mga ninuno at ayaw ko namang sa aking henerasyon ito magtatapos. Tunay na nakakalungkot na mundo ang walang mga tradisyon.
At syempre, naghanda ako dahil masarap kumain sa Noche Buena na kasama ang lahat ng iyong mahal sa buhay, dahil ito na lang yata ang okasyon na libre kaming magkakapatid lahat sa mga trabaho.
Maligayang Bagong Taon sa Inyong Lahat.
No comments:
Post a Comment