Isa sa sikat at murang gotohan ngayon sa Cubao ay matatagpuan sa panulukan ng Aurora Boulevard at West Point, Cubao. Ang Goto dito, ayon sa mga suki, ay masarap, laging mainit at umuusok pa kung ihain, at higit sa lahat ay murang mura: sa presyong sampung piso ay makakakain ka na ng isang tasang goto, at kung dadagdagan mo pa ng limang piso ay may kasama pang lamang-loob ng baka.
Ang gotohang ito ay paboritong kainan ng mga traysikel at mga pedikab drayber sa West Point, at gayun din naman ng mga sekyu at mga panggabing manggagawa. Balitang pinipilahan ang goto dito lalo na kung malakas ang ulan at maginaw. Kaya naman marami daw nawiwiling kumain dito.
"Masarap ang Goto dito" ang wika ni Karyo, isang drayber ng pedikab na nakapanayam ko, "Biruin mo sa sobrang mahal ng bigas ngayon eh nakapagtitinda pa sila ng sampung pisong goto, kaya malaking tulong itong gotohang ito sa aming mga pedikab drayber dito sa West Point!"
"At hindi lang yon," ang patuloy pang pagmamalaki ni Karyo, "may nakahanda ng mga pampalasa sa hapag tulad ng kalamansi, sili, durog na paminta, at patis. May libre ding malamig na tubig tuwing kakain ka sa kanila ng goto, kaya nga nagiging sikat ang gotohang ito sa amin"
Bukod sa goto, ang naturang tindahan ay nagbebenta din ng pritong lumpia, tokwa't baboy, at pritong ukoy.
Napag-alaman ko pa na ang mga pedikab drayber na kumakain dito ay malimit din daw tumaya sa katabing Lotto outlet, at umaasa na sa susunod na araw ay magiging milyonaryo at makakabili na palagi ng gotong may laman.
No comments:
Post a Comment