Kaninang hapon, dahil wala na naman akong magawa ay nagpasyal ako sa Cubao upang mag-usyoso ng kaunti. Ang hindi ko mawari ay kung kailan ako nawalan ako ng trabaho ay saka naman ako sinipag maglalakad. Di naman kalayuan ang Cubao sa bahay namin. Mga limang minuto lang ang biyahe kung sasakay ng jeepney, pero kung Bus ay treinta minutos, syempre kasi ang mga drayber ng bus ay karaniwan ng naghihintay ng pasahero sa bawat stop light. Dahil nga nagtitipid ako, sumakay na lang ako sa isang ordinaryong bus. Dahil punuan ang bus ay nakatayo ako kasama ng mga lalaking galing pa sa pagawaan ng mga gusali (construction workers). Ganyan ang pagsakay sa bus kung punuan, nagsisi tuloy ako sa pag-alis ko ng bahay, disin sana'y napakihimbing ng tulog ko sa aking malambot na kama habang payapang nakikinig sa saliw ng musika ni Mozart.Kaya heto at nakikipaggitgitan ako sa mga tao sa loob ng isang punong-punong bus.
Oo nga pala, mag-didisyembre na nga pala kaya sobrang dami ng taong papunta sa Cubao. Ano kaya ang gagawin nila? mag-sa-syaping, manonood ng sine kaya, o tulad ko ring mamamasyal lang? Sa mga ganitong pagkakataon, lubos ang pag-iingat ko. Ilang beses na kasi akong nadukutan o pinagtangkaang dukutan habang nakatayo sa bus, kaya inilagay ko ang pitaka ko sa harap na bulsa ng pantalon ko sa halip na sa likod. Palagay ko naman ay wala ng magtatangka pang dumukot diyan at baka kung ano pa ang mahipo niya.
Bago dumating sa Aurora Boulevard ay sumigaw ang kunduktor..."O yung mga Cubao diyan, dito na lang kami magbababa, iilalim na kami.Ang susunod na stop dun na sa santolan". Ang dami naming bumaba at naglakad ng ilang metro upang marating ang Aurora Boulevard. Umakyat ako sa "footbridge" na pinagawa ng MMDA. Ang footbridge na ito ay nagdudugtong sa apat na kanto ng EDSA at Aurora Boulevard. Sa ilalim nito'y hinarangan ang mga pwedeng daanan o tawiran ng tao kaya obligadong umakyat kahit medyo may kataasan. Kung sabagay, mas okey na ito dahil nasolusyunan ang suliranin ng trapiko sa EDSA-Aurora, bukod pa sa maiiwasan ang disgrasya sa pagtawid.
Sa ibabaw ng tulay ay naglipana ang lahat ng mga nagtitinda ng sari-saring produkto: mga sumbrero, mga laruan, mga layter, mga puto, mga bitso...at kung ikaw ay may mapagmasid na mga mata makikita mo na may nagbebenta din ng...laman...simple lang siya..nakamek-up na pula..naka-mini-skirt at titingin-tingin, nakikipag-usap sa mata, titingin ng malagkit sayo at pag napalapit ka ay bubulong ...gimik ka? Kung hindi ka buy-sexual (di ka bumibili ng sex), ay lalampasan mo na lang siya syempre..pero may mga pumapatol din....yun nga yung mga buy-sexual.
Tapos meron ding bulag na kumakanta..aba sosyal ang bulag na ito at may electric guitar at maliit na amplifier pa! Dahil mahusay naman ang pagkanta niya ng "Memories of Our Dreams" ni Eddie Peregrina kaya naglaglag ako ng dalawampisong barya sa kanyang lata ng Bonna na nakatanghod sa harapan ng mga nagdaraang tao..Kumalabog ang barya, narinig ng bulag, kaya sa pagitan ng pagkanta ay nag "tenk yu po". Ang mga tao naman, hugos dito at hugos doon, may bata may matanda, parot parito....ang dami talagang tao sa Cubao.
Pagkababa ko ng tulay ay pinasyalan ko ang bagong-bagong bukas na Gateway Mall. Ang kinatitirikan ngayon ng Gateway Mall ay yung dating Quezon Arcade at Aurora Arcade, kung saan mayroon akong munting tindahan ng mga segunda manong mga gamit noong mga limang taon ang nakakalipas. Maganda ang mall na ito. Pagkuwa'y naramdaman kong nadyi-dyingel ako, kaya hinanap ko ang banyo. Sinalubong ako ng receptionist (o kitam..saang C.R. ka makakakita na may receptionist pang sasalubong sayo?) Ang sabi..Gud evening sir..may bayad po ang C.R., sampung piso. Binayaran ko ang entrance at pagpasok ko sa C.R. naisip kong may katwiran! Malinis na malinis ito, pwede kang magsalamin sa sahig. Sa lababo ay may liquid soap, pulbos, may losyon, may listerine, at may cotton buds!
Pagkuwa'y bumaba ako at nagpasyal na lang sa mga dati kong tambayan. Sa Booksale, sa Farmer's, sa lumang gusali ng SM Cubao, sa Rustans, sa Ali Mall, sa Marikina Shoe Expo, at sa terminal ng bus sa tapat ng Ali.
Malaki na din ang pinagbago ng Cubao. Nakakatuwang isipin ang Cubao noong mga nakaraang panahon. Ang dating Fiesta Carnival ay Shopwise na ngayon. Mga dalawampung taon ang nakakalipas, kaming magbabarkada ay nagkakarera ng bump car sa ikalawang palapag nito. Subalit wala na ito ngayon. Ginawa ng grocery at supermarket. Matama ko itong tiningnan at inalala ang mga masasayang panhon ng aking kabataan. Bilang High School student ay naranasan ko ring magpasyal pasyal kung walang gaanong mga takdang aralin. Pagkatapos, isinara ang Fiesta Carnival ng mahigit isang taon at inilipat doon sa tabi ng bagong Value Station, na dati namang Automatic Center.
Ang Ali Mall naman ay itinatag noong dekada sitenta bilang parangal sa dakilang boxing champion na si Muhammad Ali, matapos ang makasaysayang laban nila ni Frazier na tinaguriang" Thrilla In Manila". Ang labanang ito ay idinaos sa Araneta Coliseum. Sa ngayon ang Ali Mall ay makabago na rin subalit maraming mga tindahan na ang nagpalit-palit. Wala na dito ang skating rink at ang tindahan ng mga antigo sa ikalawang palapag. Subalit mas dumami ang tindahan ng mga sapatos, damit, at mga pagkain.
Ang dating Uniwide Sales (na nasunog) ay Eurotel Hotel na ngayon. Nasunog ang gusaling ito ng Uniwide Sales at laking hinayang ko sapagkat dito ako bumibili ng mga mumurahing medyas at panyo.
Tapos yung C.O.D. ay Puregold Department Store na ngayon. Ang C.O.D. ay espesyal sa aking ala-ala. Tuwing magpapasko kasi tulad ngayon ay nagpapalabas sila ng makukulay na "Christmas Mannequin Show" sa harap mismo ng gusali. Ito ay napapalamutian ng mga sari-saring dekorasyong pamasko at mga iba't-ibang kulay na mga brilyanteng ilaw. Ang mga manekin ay gumagalaw ayon sa takbo ng kuwento. Kahit malayo ka ay tanaw mo ang pagtatanghal na ito at maraming mga kanugnog bayan ang dumarayo pa upang ito'y mapanood. Sa ngayon ang gusali ng C.O.D ay isa na lamang matamis na ala-ala ng mga nagdaang panahon.
Ang Nena's restaurant na katabi ng C.O.D. ay nandun pa rin subalit makabago na ang hitsura di tulad dati na may motif na probinsyal. Gayunpaman di naman nagbago ang napakasarap nilang bibingka at puto bumbong lalo na habang humihigop ka ng mainit na tsaa. Parati akong kumakain dito at naging kaibigan na rin ang may-ari (si Aling Nena) at ang ilang mga serbidora. Kailan lang ay nabalitaan kong namatay na si Aling Nena, na labis kong ikinalungkot.
Samantala, ang dating Frontier Theater, na paboritong puntahan ng magkaka-sintahan(dahil bukod sa ubod ng dilim sa loob ng sinehang ito ay marami pang mga sulok-sulok), ay nakatayo pa rin at paboritong sinehan ng magkakasintahan.
Mayroon namang mga establisyemento na tuluyan ng naglaho sa Cubao. Ang Ma Mon Luk na nasa Aurora, ang Syvel's na karaniwan kong binibilhan ng pantalon, ang Goodwill Bookstore sa ilalim ng Coliseum, ang Aguinaldo's, ang Super K Drugstore, at yung Cedo's Antiques na una kong nabilhan ng mga lumang komiks. Ang mga establisyemento ay para din palang mga tao..minsan lumilipat ng tirahan tapos pag nagkahirapan ay nagkakasakit o kaya'y namamatay.
Pagkatapos ng lahat ng pagbabago, ang Cubao ay Cubao pa rin, nagpadagdag lang ng mek-up, wika nga: Ang Ali Mall, ang Act theater na nasa kanto ng Auroro at Edsa (dating Hiway 54), ang Farmer's, ang lumang terminal ng mga bus na hanggang ngayon ay mga atip na yero pa rin ang bubungan, ang Shoemart, ang pamosong Cubao Overpass, ang bagsakan ng mga isda sa Farmer's Market, ang lumang National Bookstore, ang Isetann, at syempre ang Araneta Coliseum. Ang Cubao ay tambayan at pasyalan pa rin ng kung sinu-sino at kung anu-anong uri ng tao.
Ang mga estudyanteng bulakbol karaniwa'y nagpapasyal sa Fiesta Carnival, o kaya sa itaas ng Ali Mall dun sa maraming video games at videoke, at sa ika-apat na palapag ng Farmers kung saan may bowling alley at mga bilyaran. Ang mga bagong salta naman ay panay ang tambay sa Gateway Mall, sa dahilang ito ang pinakabago, at pinakamalamig.
Ang mga bakla ay nandun naman sa Farmer's nanghahanting. And daming bakla sa Farmer's, nakikihalo yun sa mga tao, kunwari'y namasmasyal, titigil sa pasimano, dadaanan mo, lilingon, bubuntutan ka ng mabagal, susunod sa eskaleytor, tapos pag nahalata mo e kunwaring mahihiya at ngingiti...May naghitsura ng babae, kulay ginto ang buhok at nilapis ang kilay...Kung sabagay nakakatuwa naman sila dahil napapasaya nila ang ating mundong ginagalawan.
E yung mga magkakasintahan? Nasaan na sila? Kahit saan saan makikita mo sila sa Cubao. Merong naglalakad papunta sa motel na kala mo di magsyota dahil medyo magkalayo, tapos pag papasok na, biglang maghoholding hands. Naroon din sa lumang Nation Theater, kasi maganda manood doon, sobrang dilim. Ang iba'y nasa Sampaguita, Diamond, o dili kaya'y sa New Frontier Theater. Ang palabas ay pangalawa lamang sa kanilang tunay na layon. Ang totoo'y magandang tagpuan ang mga sinehan sapagkat ito'y nakapagbibigay ng mga pribadong lugar para sa kanila. Subalit meron din namang mga walang pera na nakatambay sa food court ng Farmer's nakikinig ng libre sa tumutugtog na banda...minsan sisitahin ng gwardya..tatayo..lilipat lang pala sa kabilang dulo...
Nandito na yata sa Cubao lahat. Para kang nasa biyahe...kung ayaw mong sumakay bumaba ka at walang pipigil sayo...Cubao...wari ko'y isang malaking bapor....may sumasakay....may umiibis...may mga nananatili na wari'y mga crew ng bapor...Ganito ang Cubao!