Saturday, November 19, 2005

Masayang Pagbisita sa Calbayog (Last Part)

Tumagal ng isa at kalahating oras ang biyahe ko mula Maynila patungong Calbayog, lulan ng eroplanong Asian Spirit. Mga bandang alas-otso y media ng umaga nang lumapag kami sa Paliparan ng Calbayog. Malamig na simoy ng hangin ang sumalubong sa akin pagbaba ko sa tarmac. Ang sikat ng araw ay nakapagpatingkad sa mga luntiang mga kabundukan na nasa silangang bahagi ng Calbayog Airport. Sa di kalayuan ay matatanaw naman ang mga ekta-ektaryang mga pananim at mga palaisdaan…Narito na ako sa bayan ng Calbayog.

Ito ang makikita paglabas ng Calbayog Airport

Matapos kunin ang aking dalawang bagahe, sumakay ako sa harapan ng dyip na naghihintay ng mga pasahero sa harap na paliparan. Masarap umupo sa harapan ng dyip lalo na kung ikaw ay isang manlalakbay..Dahil may dala akong bagahe, sinabi ko sa drayber na babayaran ko na lang din yung katabing upuan. Ayaw ko kasing masiksik sa tabi ng drayber pag may sumakay pang isang pasahero. Nagigitgit ang tuhod ko ng kanyang kambyo. hehe..yung talagang kambyo.
Agad napuno ang dyipni, at sa loob ng ilang minuto ay binagtas na namin ang landas patungong bayan ng Calbayog. Maaliwalas at matiwasay naman ang biyahe, dinaanan namin ang napakagagandang mga tanawin..Sa aming kaliwa ay mga kabundukan na mayayaman sa iba’t-ibang punong kahoy, at sa kanan naman ay ang bughaw na karagatan na may mga banayad na alon.


Bundok sa kaliwa, Dagat naman sa kanan..

Talagang nakakapanibago sa isang siyudad-taong katulad ko ang maglakbay sa ganito kagandang mga lugar na ang mga tanawin ay pawang mga natural na likha ng Diyos. Napakalaking pagkakaiba sa Maynila na marumi at maalinsangan! Dito, kahit maaraw ay malamig ang hangin.
Mag-aalas diyes na ng umaga ng marating namin ang kabayanan.
Ito ang Welcome sign sa Calbayog City

Ipinasya kong maghanap muna ng makakainan…wala bang Jolibee dito o McDo? Carl’s Jr man lang o Bellini’s? Hehe..Wala daw ayon sa napagtanungan kong drayber ng pedicab. Itinuro niya sa akin ang isang kainan, “Bread Mixx” ang pangalan. Ayos naman, aircon at maaliwalas ang restaurang ito bagamat mas maliit kaysa mga fast food sa Maynila. Umorder ako ng mainit na tsokolate at pansit luglug, dahil yon lang daw ang available ngayon sapagkat sila’y nagluluto pa ng pangtanghalian. Halaga ng kinain ko: kwarentay singko pesos. Nag-iwan ako ng tip na sampung piso, para ipahiwatig na nasarapan ako sa kanilang pagkain. Pagkakain ay sumakay ako ng pedicab patungo sa hotel na tutuluyan ko sa loob ng tatlong araw na ipamamalagi ko. Dito sa bayan ay may tatlong maiinam na hotel na maaring tuluyan ng mga manlalakbay: Ang San Joaquin Inn, ang Calbayog Inn, o ang Eduardo’s.
Ang San Joaquin Inn

Ang San Joaquin Inn at Calbayog Inn ay malapit sa palengke at istasyon ng mga traysikel, samantalang ang Eduardo’s ay nasa bandang loob ng kabayanan, at mas tahimik ang lugar. Kaya nagpahatid ako sa Eduardo’s dahil nais kong matulog ng walang gumagambalang ingay ng traysikel…
Sa reception ay nakita ko ang ilang manlalakbay na puti na nakasabay ko sa Asian Spirit. Nagbatian kami at habang naghihintay ay napag-alaman ko na sila pala ay mga Aleman at mayroon silang proyekto ukol sa ikauunlad ng mga palaisdaan sa Samar. Mayroon ding mga manlalakbay na Koreanong titigil sa hotel na ito upang mamasyal..Bakit ba ang mga Koreanong turistang lalaki ay lagi na lang nakamahabang shorts (bentong shorts), naka sumbrerong waway, at laging may sukbit na kamera sa kanilang dibdib? Ang puputi ng legs ng mga Koreanong lalaking ito!
Sa wakas ay nabigyan na din ako ng magarang kwarto, sa halagang pitong daang piso bawat araw. Hahah napakamura nito! Bukod sa airconditioned na ay may cable tv pa at hot shower!..Ito na yata ang pinakamurang hotel sa buong mundo….Buong pagmamalaking sinabi sa akin ng porter na ang kuwarto daw na ito ang isa sa tinuluyan ni Erap noong siya ay nangangampanya pa sa pagkapangulo ng Pilipinas noong 1998. Sa loob loob ko ay wala akong pakialam dahil di naman ako tagahanga ni Erap o ng kung sino pa mang artistang pulitiko.
Matapos kong isaayos ang mga gamit ko ay tulad ng nakagawian ko na ay ibinagsak ko ang aking katawan sa malambot na kama….napakasarap matulog lalo na kung pagod…nggggorrrk….nggooorkkks…
Mga bandang ala-una na ng hapon ng magising ako. Sumilip ako sa bintana at nakita kong umaambon pala. Bumaba ako ng hotel upang maglibot-libot sa kabayanan. Hmmm. Malinis ang bayang ito at napakaliit lamang talaga. Malilibot mo ang buong bayan sa loob ng isang oras na paglalakad. Una kong pinuntahan ay ang Cathedral, na ilang metro lamang ang layo sa aking tinutuluyang hotel…

Ang Katedral ng Peter and Paul sa Calbayog City

Tapos ay nagtungo naman ako sa museo ng Calbayog na nasa gilid lang ng simbahan...Kaso sarado ito at binubuksan lamang sa mga espesyal na pagkakataon (bakit espesyal naman ako ah hahah) Kaya ang ginawa ko ay sumilip na lang ako sa mga siwang ng pintuan upang makita man lang kahit kaunti kung ano ang nasa loob…Sa malas ay madilim sa loob…..

Napakarami pang mga lumang bahay dito sa Calbayog na sa palagay ko ay itinayo pa nuong panahon ng kastila o kaya ay nuong unang mga taon ng panahon ng amerikano. Ang mga istruktura ng mga bahay na ito ay karaniwang dalawang palapag at may mga maluluwang na mga bintana sa ikalawang palapag. Ang mga bintanang ito ay ay yari sa kapis at itinutulak sa gilid upang mabuksan o masara. Ang hagdanan ay nasa gilid at yari sa makakapal na kahoy o kaya naman ay matitigas na bato. Sinubukan kong magmagandang araw sa isang bahay subalit parang wala dito ang may-ari kaya umalis na lamang ako. Gusto ko lang naman sanang kapanayamin kung sinong mayamang ilustrado ang nagpatayo nitong lumang bahay. Kaso di ako pinalad.

Isang matandang bahay sa Navarro Street.

Pagkatapos ay naglakad ako na kaunti para puntahan naman ang daungan ng mga bapor. Dito ay nakita ko ang mga de motor na lantsa na nanghuhuli ng mga isda… Sa pagpasok pa lang sa daungan ay makikita agad ang mga nagtitinda ng sari-saring uri ng isda..may pating, page, tuna, burase, pugita, barracuda, swordfish, at marami pang iba….Mga Bisaya (waray) ang mga tao dito at karaniwan ng sila’y pinararatangan na matatapang, subalit ang aking obserbasyon ay taliwas sa paratang na ito. Sila ay palangiti at may mabababang kalooban....Naalala kong sa kasaysayan ay ang mga Bisaya ang unang mga Pilipinong nakilala nina Magallanes…Napakaganda ng pakitungo ng mga Bisaya (sa pamumuno ni Raha Humabon) sa mga dayuhang Kastila…Pinaghandaan sila ng mga masasarap na mga pagkain at inumin at nakipag-sanduguan pa bilang tanda ng kanilang lubos na pakikipagkaibigan…Totoong si Magallanes ay napatay nga ng isa ring Bisaya, si Lapu-Lapu. Pero dapat tandaan na ang unang lumusob ay ang pangkat ni Magallanes at hindi sila Lapu-Lapu..Ang sino mang tao na nilusob at akmang papatayin ay may karapatang ipagtanggol ang kanyang sarili. Ito ay naaayon sa “survival instinct” ng sinumang nilalang. Bahagi ng Calbayog Port. Kuha mula sa tulay

Tapos, dahil mag-aalas tres na'y pagkain na naman ang pumasok sa isip ko. Para sa meryenda ko ay pumasok ako sa Rebelito’s, ang pinakamatandang restaurant dito sa Calbayog. Sikat ang Rebelitos sa kanilang tindang Halo-halo..Ang regular na Halo-halo ay treinta at ang espesyal ay kwarenta…Ang pagkakaiba lang naman ay ang espesyal ay may dagdag na isang scoop ng ice cream, kaya espesyal na ang inorder ko. Kumain din ako ng kanilang suman..at napakasarap din. Tapos tiningnan ko yung kanilang mga kwadro sa dingding na inilalarawan ang mga sinaunang ayos ng Rebelito’s simula ng ito’y itatag noong 1950’s. Noong una pala’y isa lamang kubo ang ayos ng kanilang tindahan, samantalang ngayon ay estilong Jolibee na ang disenyo, aircon, may pos counter, at may malinis na comfort room!

Kalye Pajarito. Yan ang mga trike, mga karaniwang sinasakyan ng mga Calbayognons

May dalawang sinehan ding ipinagmamalaki ang Calbayog yung isa ay yung Riverview Cinema na malapit sa daungan at yung isa naman ay yung Alfia Cinema. Ang bayad ay treinta pesos isang tao at dalawang pelikula pa ang mapapanood mo, kaso nga lang mga pelikula noong nakaraang taon pa ang palabas heheh...Ayaw mo nun vintage!
Pagkatapos ay tumunog na ang cellphone ko at ang message ay parating na daw ang kausap ko…at iyon nga nagkita kami..ang talagang pakay ko dito sa Calbayog…ang nag-iisang pakay ko dito….ang aking mahal na asawa. Binisita ko siya dahil mga ilang buwan na rin kaming di nagkikita dahil sa kanyang pag-aaral. Opo, nag-aaral pa siya….sa kolehiyo. Dahil dito siya nagsimulang mag-aral ay dito na rin ipinasyang magtapos!
Matapos ang mala-pelikulang pasalubong na takbo at yakapan ay hinalikan ko siya ng banayad sa kanyang noo...E ano kung ano ang sabihin ng mga tao…asawa ko naman siya di ba? Sabi ng asawa ko ay baka nakalimot na daw ako sa kanya...luka-lukang mahal!…Kaya nga naglakbay ako ng ganito kalayo ay para sa kanya! Yan ang dahilan kung bakit masaya ako sa pagbisita ko sa Calbayog.

P.S. Sa susunod na lang yung iba pang pictures dahil wala pa kong dsl at ang tagal mag-upload ng mga images sa dial up.

No comments:

Post a Comment