Thursday, November 17, 2005

Pagbisita sa Calbayog Samar Part 1

Alas kuwatro ng umaga pa lang ng November 11 ay nasa loob na ako ng taxi papunta sa Domestic Airport. Dahil maaga ang biyahe ko (7:30 a.m.) ay ipinasya ko ng nakaraang gabi na mag-check in sa Kabayan Hotel sa may Pasay (tapat ng bahay ng kaibigang Hal Santiago). Pinili ko ang hotel na ito dahil mura. Ang overnight nila ay 1,200 lang kung de luxe na kwarto at 2,500 naman kung suite. May kasama na itong libreng almusal. Dahil nag-iisa ako ay pinili ko na lang yung de luxe. Magiliw akong binati ng receptionist at pinasamahan ako sa porter para ihatid sa aking magiging kuwarto sa 6th floor. Maganda naman pala ang kuwarto, kahit na ang isang maliit na pamilya ay kasya dito. Syempre ang una kong ginawa ay hubarin ang aking sapatos at malayang ibinagsak ang buong katawan sa malambot na kama. Haaaah....napakasarap.....Kung mayaman lang ako ay sa hotel na lang ako titira araw-araw. Matapos ang kaunting pag-idlip ay nag hot shower ako at talaga namang nakakarelax. Pagkatapos nanood ako ng cable tv. Mahigit isang daan ang channels pero wala akong nagustuhan, kaya nagpasya akong matulog...Pero ayaw makisama ng utak ko. Dati rating masunuring hayop ito pero ngayon ay...hhummph makalabas na nga lang! Tinanong ko ang receptionist kung mayroong internet cafe na malapit, at swerte naman dahil meron daw sila kaya nag-internet muna ako. Ilan lang naman ang tinitingnan ko lagi sa internet...Yung mga website na may tungkol sa Pilipino Komiks, yung email ko, at yung mga blogs...Hehe..Di ako pumupunta sa mga sex sites..Minsan kasi nagtry ako magbukas ng isang sex site at kung ano anong pop ups ang bumulaga sa screen ko parang baliw, tapos na-virus pa ng trojan ang computer ko....Bandang alas onse ng gabi ay lumabas ako ng hotel at nagtungo sa kalapit na 7/11 kung saan humigop ako ng mainit na kape. Dahil di ako kumakain ng asukal ay sinabi ko sa counter clerk kung meron silang kape na sugar-free. Wala daw sila ng ganoon kaya nagtiis na lang ako sa 3 in 1 para lang uminit ang aking sikmura. Paglabas ko sa 7/11 ay nakangiting nagbigay pugay ang gwardya at naisip kong napakabait naman niya. Sa palagay ko'y isa sa pinakadakilang hanapbuhay ang pagiging gwardiya. Kailangan mo ng pasensya, tiyaga, at kakayahang tumayo ng walong oras para magtagumpay sa gawaing ito, mga katangiang di tinataglay ng ating mga dakilang kongresista.
Marami pa ring mga tao sa kalsada..paro't parito. Nakakailang hakbang pa lang ako para bumalik sa hotel ay may isang babaeng may akay na batang babae ang sumutsot sa akin. Akala ko ay iba ang tinatawag niya kaya lumingon muna ako para siguruhing walang ibang tao sa aking likuran..Tinuro ko ang sarili ko at tumingin sa babae nang matang nagtatanong "ako?' Tinanong ko siya kung ano ang kailangan niya, at ang sabi ay kung pwede daw makahingi ng pangdagdag na pamasahe dahil pauwi daw sila sa Laguna at nagkataong kinulang sila. Naawa naman ako at binigyan ko ng treinta pesos. Laking pasasalamat nila sakin. Bahala na sa loob loob ko, kung nagsisinungaling kayo, pamasko ko na sa inyong mag-ina yan. Baka naman raket lang nila yun. Ewan ko ba mahina ang puso ko sa mga humihingi.
Bago ako matulog ay isi-net ko ang alarm clock ng cellphone ko sa alas tres dahil kailangang nasa loob na ako ng airport bandang alas sais. Nakatulog naman ako agad at nanaginip pa nga ako na ako daw ay nasa Calbayog na...pero sa isang banda ng panaginip ko ay nagpunta naman ako sa Megamall...kakatwa talaga ang mga panaginip..ngayon nasa Calbayog....mamaya naman nasa Megamall...palagay ko ay kaugnay ang panaginip kong ito sa mga iniisip ko noong mga nakaraang araw..Syempre yung pagpunta sa Calbayog, at yung sa Megamall ay ang pagbili ng mga pasalubong...Ganyan daw ang panaginip sabi ni Freud...may tunay na kaugnayan sa ating gising na pamumuhay....
Tulad ng inaasahan ay ginising ako ng aking masunuring cellphone. Di pa ako binigo nito kahit kailan kahit ito ay luma na (7110 lang) at mura ko lang nabili sa Greenhills. Ang gusto ko lang sa cellphone na ito ay di pa nasisira kahit nabagsak na ng ilang ulit, nabasa, nadikdik, natapakan, at iba pang sakuna na ikasisisra ng ibang cellphone. Madali din itong itago sa mata ng mga usyusong tao. Isa pa ay di na ito pag-iinteresan ng mga mang-aagaw ng cellphone. Ilang ulit na ba ako nabiktima ng mga bastardong iyan!
Nag-shower ako at ipinaakyat ang almusal. Tapsilog at mainit na kape...sarap! Binigyan ko ng singkwenta yung porter dahil napakamagiliw ng pagtrato sa akin at panay pa ang bati ng Merry Christmas kahit mahigit isang buwan pa bago ito.
Paglabas ko ng hotel ay pumara ako ng taxi, mas kakaunti ang mga tao dahil mag-aalas singko pa lang. Malamig ang simoy ng hangin at nanginig ako at naghalukipkip. Tinanong ako ng taxi driver kung saan at sinabi kong sa domestic airport. Sinabi niyang bayaran ko na lang siya ng 150 at pumayag naman ako para naman makasakay na. Mga ilang minuto lang ay nasa domestic na kami. Malapit lang pala...kung imemetro ay maaaring 80 pesos lang ito aabot. Pero ang usapan ay usapan kaya iniabot ko sa kanya ang 200, dahil wala akong barya, at inantay ang sukli...matagal siyang naghanap ng panukli..kapkap dito kapkap doon sa kanyang bulsa...wala...bukas ng pitaka..wala pa rin...at kamukat mukat ay sinabi sa aking beinte pesos lang ang kanyang barya. E saan ako magpapapalit ng pera ngayong madaling araw? Wala akong nagawa kundi tanggapin ang beinte, kaya ang binayad ko ay isangdaang pisong sobra sa inaakala kong tunay na halaga ng isang maikling biyahe. Gayunman nagpasalamat pa rin ako sa wais na driver....Nakakapaghimutok talaga.
Pagpasok ko sa domestic ay sinuri agad ang aking bagahe, ayos naman, walang dinamita at walang droga..hehehe. Hindi rin ako sumobra sa bagahe at sa katunayan ay kulang pa nga dahil ilang damit lang naman ang dala ko at ilang pasalubong. Pinakita ko ang tiket (na binili ko nung isang araw) at matapos itong ikumpirma ng airline attendant ay tinatakan ito. Matapos ang ilan pang mga pormalidad ay nakapasok na rin ako sa loob ng terminal. Naupo ako sa isa sa mga bakanteng upuan. Ang mga katabi ko ay ang aking makakasabay sa Asian Spirit patungong Calbayog. Sa totoo lang ay ngayon lang ako sasakay ng eroplano kaya medyo may magkahalong excitement at kaba ang aking nararamdaman. Noong una kasing punta ko sa Calbayog ay nag-bus lamang ako, beinte kwatro oras ang biyahe doon kaya ngayon ay sinubukan kong eroplano naman.
Matagal-tagal din akong nag-hintay at para di mainip ay bumili ng pahayagan sa loob ng tindahan sa terminal. Kay sagwa ng mga bali-balita....kahirapan, pagtaas ng presyo dahil sa evat, paparating na bagyo, rally, panggagahasa ng anim na sundalong amerikano sa isang pinay...Tinigil ko na lang ang pagbasa at tumingin tingin sa loob ng terminal...Baka may artista o celebrity. Kaso wala.
Pagkatapos, bandang alas syete ng umaga, ay may nagsalita na sa mikropono at tinatawagan ang mga biyahero ng Asian Spirit papuntang Calbayog Samar.....Sumakay muna kami sa isang shuttle sa tarmac dahil ang sasakyan namin ay nasa kabilang hanger pa. Maliit lang pala ang eroplano..Pagpasok ko sa loob ay napansin kong medyo luma na pala ang eroplanong ito, mga dalawampung taon na ito...pero okay lang ....Nagbigay pugay sa amin ang mga flight stewardess na pawang magaganda. Mga limampu kaming papunta sa Calbayog at may ilan ding mga puti na marahil ay mga manlalakbay na amerikano. Isa sa kanila ay ngumiti sa akin at pinalitan ko naman ng isang kaway at ngiti din....feeling artista hahah!
Nakasakay din pala ang may-ari mismo ng Asian Spirit na taga Calbayog, kaya sa palagay ko ay safe kami dahil tiyak na mag-iingat ang mga piloto! Huwag na huwag nilang pababagsakin ang eroplano at siguradong tanggal sila sa trabaho...di ba?
Matapos pa ang ilang tagubilin ng mga stewardess ukol sa biyahe ay narinig kong umandar na ang engine...hahaha papalipad na kami!! Iba pala ang pagsakay dito sa eroplano...Kakaiba... Nang nasa himpapawid na ay binigyan kami ng stewardess ng kaunting mangangatngat: Cornick, maliit na tinapay, at Zesto! Hehehe....ayos lang.
Dahil nasa tabi ako ng bintana ay sinilip ko ang Pilipinas sa ibaba...Maliliit na mga pulo, at may mga luntiang taniman...mga bughaw na karagatan na kumikislap sa sinag ng araw na animo'y mga libong butil ng brilyante.... at sa dulo ay mga kahanga-hangang mga kabundukan...Napakaganda pala talaga ng Pilipinas....Buti na lang at dito ako pinanganak at di sa ibang lupain...Di ko talaga ipagpapalit ang aking bayan kahit na ito ay mahirap lamang kumpara sa ibang mga mayayamang bansa gaya ng Amerika o Hapon.
May mga ulap kaming nasasalubong...wari'y mga bulak sa kalangitan.....napakagaganda.....Sa sobrang saya ko ay di ko napansin na ang halos lahat ng kapwa pasahero ko ay nangagsisitulog lahat!
Bukas naman ang part two...Ang Pagbisita sa Masayang Bayan ng Calbayog!

No comments:

Post a Comment