Kaya nga lang may kung sinong tarantado ang nagkalat ng balita na karne daw ng pusa ang laman ng siopao, kaya tuloy mayroong ilang kliyente ang ayaw ng kumain nito. Sa palagay ko naman ay sinuri na ito ng Department of Health o DTI kasi di naman ito magtatagal sa negosyo ito kung pusa nga ang laman. Mahilig talaga ko sa siopao kaya masasabi kong pinakamasarap ang siopao (pati na yung sarsa) sa Ma Mon Luk. Ngayon kung talagang pusa nga ang siopao sa Ma Mon Luk, kakain pa ba ako? Hmmm...masarap pala ang pusa.
Medyo may kakulangan nga lang sa kalinisan ang restawrang nito, ang mga kisame ay may mga agiw na, at ang mga bentilador na nasa kisame ay antigo na at bihirang linisin. Sa mga dingding naman nakakwadro ang istorya ni Ma Mon Luk, kung paano siya nagsimula sa negosyong ito, at kung paano ito lumago.
Si Ma Mon Luk (litratong kuha 1945), habang nagbibigay ng donasyong tulong sa kapatid ng bayaning Andres Bonifacio, si Espiridiona. Si Ma Mon Luk ay nagmula sa mahirap na pamilya at naging mayaman dahil sa kanyang imbensyong mami. Nung bumalik siya sa Tsina, pinakasalan niya ang babaeng mahal niya na noon ay di pinayagang makasal sa kanya dahil pobre pa siya. Naging matulungin si ma Mon Luk sa mga mahihirap(philantrophist)
Nakakatuwa ang pagtingin-tingin sa mga kwadro, isang pagbabalik-tanaw sa mga unang panahon ng restawrang ito. Noong araw pala--noong mga panahon ng dekada beinte at treinta--ay nilalako lang ni Ma Mon Luk ang kanyang mami na parang taho. Bagito siya sa Maynila at nagsumikap na makagaanang loob ang mga kostumer. Ang unang tawag sa Mami ay "gupit" sa dahilang ginugupit niya ang mami ayon sa haba ng gustong bilhin ng kostumer. Upang mapanatiling mainit ang sabaw ay ginagatungan ni Ma Mon Luk ng mga nagbabagang uling sa ilalim ng sisidlan. Sa gayo'y kahit anong oras ay nakapaghahain siya ng mainit na mami. Pagkuwa'y lalagyan niya ng sahog na karne ng manok o baka ayon sa kagustuhan ng kliyente. Sa isa pang sisidlan ay naroon naman ang mga pampalasa: toyo, mantika ng anis, pulbos na paminta. Sa pamamagitan ng tiyaga at pagtitiis ay nakapagpatayo ng isang maliit na tindahan si Ma Mon Luk sa daang Salazar, sa Binondo (parte ng Chinatown) at dito lumago ang kanyang kasikatan at kayamanan.
Sa isa pang kwadro ay ipinapakita naman ang isang buhay na manok na katutubo na niluluto nila upang maging sabaw ng mami. Ang manok na nakalarawan ay may mapintog na pangangatawan at mukhang masarap gawing putahe, kung kaya't may dalawang kamay na nakaturo sa manok na ito at nakasulat sa ilalim ay:"Ganito ang manok na pinapatay namin, mataba at dumalaga" Kaya naman pala masarap ang kanilang mami.
Matagal na palang namatay si Ma Mon Luk, mga tatlumpung taon na ang nakakalipas, subalit ang kaniyang tindahan ay nananatili pa rin dahil sa pamamahala ng mga anak. Sa kasalukuyan ay may dalawang sangay ito: sa Kiyapo at sa Quezon Boulevard sa kanto ng Banawe.
Matagal-tagal ko na din kasing di napapatugtog ang aking mga koleksyon ng plaka dahil nasira na ang luma kong turntable sa bahay. Bihira akong mangoleksyon ng CD dahil napakadling masira nito.Kung sabagay wala na ring tindahan ng plaka ngayon maliban sa Bebop Records sa Makati Cinema Square na pag-aari ng kaibigang Bobby (dito ko bumibili ng plaka). Bukod dito, nakapag-ipon ang aming pamilya ng napakaraming plaka at hanggang ngayon ay nakasalansang parang mga aklat sa aking kwarto.
Kaya heto at nasa bahay na ako at pinatutugtog ang mga plaka kong Juan dela Cruz, Banyuhay at Fredie Aguilar. E ano kung makaluma, talagang Pinoy Folk and Rock ang paborito ko. Tiyak bukas ang tatay ko naman ang magpapatugtog ng kanyang koleksyon ng Mabuhay Singers at Ruben Tagalog.
No comments:
Post a Comment