Friday, March 10, 2006

Nag-Aplay, Nagpagupit, at Namasyal sa Intramuros

Maaga akong gumising kaninang umaga dahil plano kong mag-aplay ng trabaho sa Maynila bilang isang guro sa kolehiyo. Naisip kong kailangan ko muling magbanat ng buto upang maging kapaki-pakinabang sa aking bansa. Sa pamamagitan lamang ng aking pagtatrabaho ay makapag-ambag ako sa pambansang buwis upang maipampasweldo sa ating mga kagalang-galang na mga pulitiko. Talagang kailangan ng ating bansa ang mga makikisig at poging kabataang katulad ko upang mapaunlad at makipagtunggali ito sa progreso ng mga mayayamang bansa! Malay ninyo ay maging isang tigre din ng Asya ang ating bansa kung ako'y matanggap sa trabaho!

Bitbit ang isang mahabang envelope na kinalalagyan ng aking resume at transcript of records, sumakay ako ng jeepney patungong Maynila upang mag-prisinta sa isang kolehiyo bilang guro. Nakasuot ako ng puting polo, khaki na pantalon, at itim na pares ng sapatos na bagong "shine". Pagkuwa'y nilagyan ko ng konting gel ang aking buhok at hinati ito sa gitna. Sa palagay ko sa hitsura ko at sa bitbit na envelope ay ipinapakita ko ang isang modelong nag-aaplay sa trabaho.

Pagdating ko sa Quiapo ay nagpagupit muna ako sa Lito's Barber Shop sa gilid ng Raon malapit sa overpass. Mura ang pagupit dito, singkwenta pesos lang. Tinanong ako ni Mang Lito kung anong gupit ba ang gusto ko: gupit binata, gupit barber's, o gupit sundalo.

Ang sabi ko ay yung trim lamang, na ang ibig sabihin ay gawin niya akong mukhang presko sa pagtingin subalit hindi mukhang estudyante ng ROTC, o di mukhang mag-aaral sa grade one. Samakatwid ay dapat na may patilya ng kaunti at may nakausling bangs. Gupit Brad Pitt wika nga..hindi Brod Pete!

Naintindihan naman niya ang sinabi ko at ilang sandali pa ay binalutan na niya ako ng puting kumot at pinaupo na sa kanyang ipinagmamalaking Hydraulic Barber's Chair. Ang barber's Chair na ito ay napaka-komportable sa puwitan at likuran. Pagkuwa'y narinig ko na ang pamilyar na huni ng electric razor na "bzzzzzzz". Medyo nangaligkig ang aking batok. Tapos itinaas niya ang gunting at suklay at sa pailang ikot na ginawa niya sa aking barber's chair ay napansin kong pumopogi na ako.

Pagkatapos, hinasa ni Mang Lito ang kanyang antigong labaha sa isang sinturon na nakasabit sa gilid ng salamin, at marahan at buong ingat niyang tinagpas ang mga natitirang mga buhok na di naaayon sa linya.

Hinagod hagod niya ang aking batok pagkatapos, at winisikan ng Million Dollar Green Hair Tonic na siyang pamilyar na amoy ng isang galing sa barberya. Hindi pa siya nakuntento dito kaya binudburan naman niya ng Tonyx Talcum Powder ang isang malambot na brush at ito ay buong paggalang na ipinahid sa aking batok at balikat. Ahhh napakasarap talaga ng pakiramdam ng isang bagong gupit, presko at parang bagong gising ang pakiramdam. Dahil sa magandang serbisyo ni Mang Lito, dinagdagan ko ng beinte pesos ang aking bayad bilang tip. Tuwang tuwa si Mang Lito kaya sinubukan niya akong yakapin subalit hindi ako pumayag. Ilang sandali kaming nagbuno at pagkuwa'y natapos na tabla kami. Nagpasalamat at nagpaalam na kami sa isa't-isa.

Tapos, tumuloy na ako sa aking talagang pakay: ang mag-prisinta bilang guro sa isang kolehiyo sa university belt. Pagdating ko sa gate ng unibersidad ay ayaw ako papasukin ng nakasimangot na gwardiya. Wala daw akong I.D. Sinabi kong talagang wala akong I.D. dahil hindi naman ako empleyado o estudyante doon sapagkat ako ay isang aplikante lamang. Napangiti siya at pinalagda na lamang ako sa kanyang log book...ang mayabang na tanga.

Tumingin-tingin ako sa palibot ng Kampus. Nagkalat ang mga estudyante... lakad dito paroo't parito. Yung iba nagsisigarilyo pa at yung iba mas malalaki at mas malalapad kaysa sa akin. Naisip kong kung ako ay matatanggap sa eskwelahang ito ay tiyak na kailangan kong magpakita agad ng awtoridad upang galangin nila ako. Kung hindi'y magiging kahiya-hiya ako sa buong henerasyon. Samantala ay nagtanong-tanong muna ako kung nasaan ang "Office of the Dean".

Sa wakas ay natunton ko din ang "Office of the Dean". Medyo maliit lamang itong opisinang ito. May ilang mga aplikante ang nakaupo sa isang silyon sa labas ng kwarto. Medyo nanlumo ako sapagkat mukhang mga masisigasig ang mga aplikanteng ito. Alas syete pa lang daw ng umaga ay naghihintay na doon. Sinabi sa akin ng sekretarya na ang dekano ay nasa mahalagang pulong at kung maaari ay bumalik na lang kami makalipas ang isang oras. Tinanong ko siya kung sigurado bang sa loob ng isang oras ay matatapos ang pulong, pero ang sagot ay di daw siya sigurado dahil minsan umaabot pa sa dalawang oras ang pulong ng dekano.

Naisip kong kung hindi pala siya sigurado ay bakit niya ako pinababalik sa loob ng isang oras. At dahil mag-aalas diyes na, kung sakaling matapos ng dalawang oras ang pulong ay tiyak na alas-dose na iyon at syempre ang dekano ay manananghalian na at magsi-siesta.
Sinabi ko na lang sa sekretarya na sa lunes na lang ako babalik, at iniwan na lang sa kanya ang aking ilang mga dokumento tulad ng resume at transcript. Nagpasalamat ako sa kanya pero bago pa ako nakahakbang ay nagwika na huwag daw akong tatawag at sila na lang ang tatawag sa akin. Naisip kong parang mali ang wikang iyon. Naisip kong hindi na lang ako mag-aaplay. Lumakad na ako palabas ng kampus.

Teka, saan naman ako magtutungo ngayon? Madali kong nasagot ag katanungan kong ito sa aking sarili. Naisip kong magpasyal na lang sa Intramuros tulad ng ginagawa ko noong estudyante pa ako. Matagal na rin akong di nagagawi sa Intramuros, mga tatlong buwan na, kaya bakit hindi ko na lang samantalahin ang pagkakataong ito?

Sumakay ako ng Jeep patungong Pier at syempre habang naglalakbay ay kumuha ng mga larawan sa pamamagitan ng aking Sony Super Slim Digital Camera. Dahil sa liit ng aking camera ay di man lang napansin ng aking kapwa pasahero na mayroon na palang kumukuha sa kanila ng larawan. Yung babaeng nakapula hindi napansin yung aking kamera kasi panay ang lambing sa kanyang boypren.


Ito yung kuha mula sa Jones Bridge habang nakasakay ako sa Jeep. Lagi kong kinukunan ang tanawing ito dahil talagang gandang ganda ako.Ganda ng view ng Ilog Pasig diba?


Ito naman yung Ayuntamiento na siyang City Hall noong panahon ng Kastila. Nakakalungkot na ito ay nadurog noong panahon ng pananakop ng Hapon sanhi ng paglalalaban sa pagitan ng mga Amerikano at Hapones. Nung tiningnan ko ang loob ay ginawa na lang nila itong pay parking para sa mga sasakyan. Sana ay muli nila itong maipatayo sa mga susunod na panahon.

Kapag namamasyal na ganito, mas nais kong nag-iisa dahil mas madali kong mapagdesisyunan kung saan saan ako mamasyal. Ako lang, at ang aking anino. Just me and my shadow.

Ang antigo at napakagarang Katedral ng Maynila.

Ang Palasyo ng mga Gobernador Heneral. Noong hindi pa ipinatatayo ang Malakanyang ay dito nakatira ang mga kastilang Gobernador Heneral. Sa kasalukuyan ay isang opisina na ito ng isang ahensya ng pamahalaan.



Tapos naglakad na ako sa Calle Real patungong San Agustin Church. Ito ang pinakamatandang simbahang katoliko sa Pilipinas. Napakatibay ng pagkakagawa nito kaya hindi man lang nadurog kahit ilang malalakas na lindol na sa kasaysayan ang naganap. Ito lamang din ang tanging istruktura na hindi nadurog noong panhon ng digmaan (maliban sa isang bell tower na na nasakaliwa ng facade)


Ito yung isa sa mga granitong lion na nagbabantay sa harap ng simbahan. Ito ay nagpapahiwatig ng impluwensyang Tsino sa arkitektura ng simbahan.


Ang nagtitinda ng rosaryo at estampita sa harap ng higanteng pintuan ng simbahan ng San Agustin. Alas-singko pa ng hapon ang misa kaya nakasara pa ang pinto ng simbahan.


Tapos pumasok ako sa loob ng museo ng simbahan. Pinakita ko ang aking lisensya sa pagtuturo at kaagad akong pinapasok ng libre(ang normal na bayad ay 75 pesos para sa matanda, at 40 para sa bata). Tapos inakyat ko ang granitong hagdanan at humanga sa ganda ng arkitektura nito

Nung nasa ikalawang palapag na ako ng simbahan ay nagtungo ako sa isa sa malalaking bintana at pinagmasdan ang napakagarang Hardin ni Padre Manuel Blanco sa ibaba. Si Padre Blanco ang nagsulat ng makasaysayang aklat na "Flora de Filipinas" noong 1843 na naglalarawan ng iba't-ibang halaman sa Pilipinas.

Tapos binisita ko din yung mga antigong libingan sa loob ng simbahan. Medyo nakakatakot ang bahaging ito ng simbahan, medyo madilim at napakatahimik. Tapos nagkataon pa na ako lang mag-isa ang nandito. Tiningnan ko ang mga lapida ng mga kripto at nabasa kong karamihan sa mga nakahimlay dito ay namatay pa noong panahon ng kastila. Yung ibang lapida mayroong nakalagay na R.I.P na ang pagkakaalam ko ay nagangahulugan sa kastila ng "Requiescat en Pace" o "Rest in Peace" sa Ingles. Kaya lang yung ibang lapida naman ay may nakasulat na D.O.M. imbes na R.I.P. Ano kaya ang kahulugan nitong D.O.M. Syempre hindi Dirty Old Man, diba? Misteryo pa rin ito sa akin hanggang ngayon.


Ang isa sa mahahabang "hallway" sa simbahan. Ang mga dingding ay kinasasabitan ng mga antigong mga paintings ng mga namatay na paring agustino sa Pilipinas. Tiningnan ko ang bawat isa sa kanila at natakot ako dahil kahit saan ako tumingin, ang mga mata nila ay nananatiling nakatingin sa akin na para bang sila'y mga buhay. Kaagad akong naglakad palayo at nagtungo na sa malaking altar ng simbahan.


Sa kanang gilid ng altar nakalibing ang dakilang kongkistador ng Maynila na si Miguel Lopez de Legazpi. Pinuntahan ko ito at nakita ang kanyang nitso na kinalalagakan ng kanyang mga labi. Napaka-solemn ng eksenang ito at para bang nakikini-kinita ko noong mamatay siya at ilibing dito ng mga indiyong tinuruan niyang maging sibilisado. Sa kasaysayan ay maaalalang si Legaspi ang nagtatag ng lungsod ng Cebu at Maynila at siya din ang unang pinunong kastila na minahal ng lubos ng mga Pilipino. Iyon ay sa dahilang minahal din niya ng tapat ang mga Pilipino.


Nag-alay ako ng isang munting dasal sa kanya at dahil hinahangaan ko ay di ko napigil na hawakan ang kanyang nitso ng aking kamay. Palagay ko ay makasaysayan na rin ang aking kamay dahil hinawakan ko ang nitso ng isang dakila at maksaysayang tao. Maaaring ipa-insure ko na ang aking kamay sa mga susunod na panahon.

Pagkatapos humimpil ako ng kaunti sa isa sa mga mahahabang bangko sa simbahan. Pagkuwa'y naglakad na ako palabas upang umuwi. Nasayang ba ang aking panahon sa araw na ito kahit ako'y di nakapag-aplay? Ang totoo'y napakaligaya ko sa pamamasyal kong ito. Ni hindi ko nga napansin na di pa pala ako nanananghalian, at nakalimutan ko ring wala pa pala akong trabaho.

No comments:

Post a Comment