Nagising ako ng tanghali kanina dahil nagbabad na naman ako sa internet hanggang alas-kwatro ng madaling araw. Hindi naman ako napuyat sa pakiki-pag-chat o paghahanap ng libreng porno, ang pagbababad ko kagabi ay may kaugnayan sa eBay.
Sa website na ito ay naglagay ako ng isang online store kung saan maaari akong magbenta ng mga gamit. Sa palagay ko, panahon na rin upang bawasan ko ang dami ng aking koleksyon. Sa totoo lang, masikip na ang aking bahay dahil sa dami ng mga nabili kong gamit noong mga nagdaang taon. Kaya heto magbebenta ako sa internet ng ilang gamit na hindi ko na kailangan. Bukod dito, makakadagdag sa aking ipon ang mga mapagbebentahan ko.
Dati sa Ebay International ako nagbebenta kaya lang ang laki ng bayad na kinakaltas sa aking credit card, kaya naisip kong sa Ebay Philippines na lang magbenta, dahil walang bayad dito.
Ang sinuman ay maaaring magkaroon dito ng account dahil libre lang. Ang hinihingi lang ng Ebay Philippines ay ilang personal na impormasyon at email address. Palagay ko ay isa itong pa-bonus ng Ebay dahil milyon-milyong dolyar naman ang kinikita nila sa kanilang international auctions araw-araw.
Sa Ebay philippines ay maaari kang magbenta ng kahit ano: lote, kotse, aklat, mga kagamitan sa bahay, komiks, magazines, at kung anu ano pa.
Kaya ayun, last week ay nagsimula akong magbenta ng ilang gamit. At swerte naman kahit paano ay nakabenta din ako. Kaya lang may problema. Dahil maraming nagtitinda, naengganyo din akong bumili. Nakabenta nga ako ng isang aklat na may halagang dos sientos singkwenta pesos, bumili naman ako ng mga aklat na ang halaga ay pitong libong piso.
Mahirap nga lang magbenta sa ngayon sa eBay Philippines dahil wala pang gaanong nakakaalam nito. Sa mahigit na limampung items na nilista ko para ipagbili, dalawa lang ang nabili. Kailangan ko pa sigurong pag-aralan ang tamang pagpe-presyo at baka naman overprice. Yun nga lang kahit di ka makabenta magandang paraan ito para magkaroon ng exposure ang iyong mga gamit na gusto ng ibenta.
Ang gagawin mo lang ay kunan ng larawan ang bagay na ibinebenta mo, tapos lagyan mo ito ng deskripsyon, at lagyan ng presyo kung magkano mo nais ibenta.
Maganda ding maging venue ito ng mga gumagawa ng mga independent mini-comics, kasi maaari nila ditong ma-idescribe ng husto ang kanilang komiks. Kahit hindi maibenta, at least kahit paano na-expose siya.
Sa palagay ko sa mga susunod na taon, habang ang karamihan ng mga Pilipino ay magkakaroon ng internet sa bahay, mas sisgla ang kalakalan sa Ebay Philippines. Ngayon pa lang talaga mahina dahil kaunti pa ang nakakaalam. Pero ako, nagsimula na akong magbenta at bumili para makaipon ng feedback score.
Okay ding mamili sa Ebay Philippines ng mga gamit dahil mas mura. Halimbawa yung nabili kong aklat ay pitong libong piso nga pero ang presyo naman nito sa bookstore ay labimpitong libong piso, kaya nakatipid ako ng sampung libo! Pinuntahan ko na lang yung seller sa bahay nila para i-pick-up ang gamit kaya di na ako gumastos sa parsela. Sa ngayon nga ay may iniispatan akong isang kotse na napakamura, at maaari kong bilhin kung sakali.
Yun nga lang kailangan din ang ingat sa pagbili baka mamaya manloloko lang ang nagbebenta. Dapat ay lagi nating isaisip na sa lahat ng bagay, kahit maganda, ay may pumapasok na mga huwad. Tingnan lagi ang "feedback" score ng nagbebenta o bumibili. O kaya naman kung wala pa siyang feedback score, e kontakin siya upang magkaroon ng pag-uusap.
Para sa di pa nakakaalam, punta lang kayo sa Ebay.com, tapos tingnan ninyo dun sa pinakailalim ng webpage ang katagang "Philippines" at eksakto, nasa Ebay Philippines na kayo. O kaya para mas madali punta kayo sa http://www.ebay.ph Kung gusto ninyong magkaroon ng seller's account o buyer's account (para magbenta at makabili), klik nyo lang ang "register"na buton at napakadali na ng susunod. Presto sa ilang minuto ay miyembro na kayo ng Ebay.
No comments:
Post a Comment