Monday, April 24, 2006

Isang Weirdong Karanasan

Binisita ko ang kaibigang si Gerry Alanguilan noong nakaraang linggo sa kanyang bahay sa San Pablo, Laguna.

Napagkasunduan namin na alas nuwebe pa lang ng umaga ng Martes ay nandoon na ako, na ang ibig sabihin ay madaling araw pa lang ay naglalakbay na ako galing Cubao upang makarating sa takdang oras. Ngayon, ako ay isang taong mahigpit sa oras ng usapan. Kapag napagkasunduan natin na magkita tayo ng alas-otso, alas syete pa lang ay nandoon na ako sa tagpuan.

Kaya noong Lunes ng gabi, maaga akong natulog para nga magising ng maaga. Itinakda ko ang aking alarm clock sa alas-singko ng umaga at inisip na tamang tama, alas-otso pa lang ay nakatayo na ako sa Jolibee San Pablo at doon ay susunduin ako ni Gerry. Yun ay sa dahilang hindi ko pa alam ang kanyang bahay.

Kaya kinaumagahan, eksakto, walang kapalya-palya, tumunog nga ang alarm clock sa takdang oras. Nagising ako siyempre dahil sa lakas ng tunog ng alarm.

Iniunat ko ang kamay at inabot ang relo sabay pindot dito upang patigilin ang nakabubwisit na tunog. Tapos natulog uli ako, ang wika pa sa sarili ay "hmmp masyado pa yatang maaga kaya maiidlip muna ako ng mga lima pang minuto tapos gigising na at maliligo na at maglalakbay na".

Kaya naidlip akong muli. Kaya naman ng idilat kong muli ang mga mata ko ay nagulat ako dahil maliwanag na ang kapaligiran. Tiningnan kong muli ang relos. Alas-otso na ng umaga. Teka, di ba ang sabi ko limang minuto lang ako maiidlip? E bakit alas otso na? Kaaaahhh!!! Kailangang magmadali!!!Karipasssss!!!

Hilamos(5 secs.), Mumog(7 secs.), Pagtimpla ng kape (10 secs... sikreto? 3in1 coffee, ang pagpunit lang ng sachet at paglagay ng tubig na mainit ang nakapagpatagal), Paghigop ng kape(mga 3 minutos, sa pagitan ng paliligo at pagpunas ng katawan...o saan ba kayo nakakita ng taong nagkakape at naliligo hehe!), sepilyo(30secs.,saka na ko magsisipilyo ng mas matagal..bukas..hehe) Pagsuot ng damit, pagsusuklay, pagtingin ng konti sa salamin(5 minutos).

Tapos larga! Labas ng bahay! Takbo sa Cubao bus terminal! Sakto, may naghihintay na bus patungong Lucena at daraan sa San Pablo. Sakay sa Bus! Haaaahhh salamat nakasakay na ako. Alas-otso y medya na...Haahh kakapagod mag-rush.

Teka bat di pa pala umaandar ang bus? Tinanong ko ang kundoktor. "Mamang konduktor" ang wika ko, "bakit di pa tayo umaandar?"

"Boss pupunuin pa po natin ang bus e, nasa kalahati pa lang ang pasahero"
Ngwek, ngwek, ngewk, ngwek. Ito yung hilarious sound na maririnig kapag nagpatawa ng korni si Dolphy sa pelikula.

Matapos ang mga labinlimang minuto, napuno din ang bus, at sa nakakainis na kabagalan ay unti-unti na itong umusad patungong kalsada. Nagbayad ako ng siento kinse bilang pamasahe. Tapos ipinaubaya na sa tsuper ang aking kapalaran. Diyos ko, ang wika ko, pakibilisan lang naman sana ang paglalakbay at tiyak na masisira ako sa aking usapan...

Ano bang masisira? E alas nuwebe na! Talagang sira na ko sa usapan. At dahil dalawang oras ang tinatayang biyahe patungo sa San Pablo, tiyak, alas onse na ng umaga ang dating ko doon. Wala akong magagawa. Mabuti pa tawagan ko na lang si Gerry at sabihin sa kanya na ako ay medyo maaabala sa pagdating.

Mabuti na lang at naisulat ko ang kanyang telephone number sa aking cellphone. Hehe maiintindihan ni Gerry kung na-late man ako. Tatawagan ko siya ngayon din...sa pamamagitan ng aking cellphone! Sa ganitong pagkakataon ay maasahan mo talaga ang teknolohiya! Biruin mo kung walang cellphone e tiyak na mamumuti ang mata ni Gerry sa San Pablo sa kahihintay sa akin, di ba?

Kinapa ko ang aking bulsa para kunin ang cellphone.Wala.....kabilang bulsa...wala din....sa loob ng bag...wala din..medyo kinakabahan na ako sa puntong ito...Tiningnan ko ang gilid ng aking upuan...wala din...ilalim ng upuan...wala din! Sa kamamadali ko naiwan ko nga pala sa banyo ang cellphone ko! Hindi!

Tapos pumasok sa isip ko..itetext ko ang kapatid ko sa bahay para isend niya sa akin ang number ni Gerry, para pagdating ko ng San Pablo ay tatawagan ko si Gerry sa landline (dahil di ko rin alam kung saan ang Jolibee san Pablo. E kaso, paano ko nga matetext ang kapatid ko e wala nga akong cellphone! Weird na pag-iisip! @+#@#$@*%

GRRRRR!!! nararamdaman kong tumataas ang aking stress level.....At napakahirap pa namang pababain nito..May isang lalaking katabi ko ang gumagamit ng analog cellphone...dati ko itong pinagtatawanan dahil laos na ito at mukhang kudkuran ng yelo. Ang uso ngayon ay digital na, subalit ngayon, kahit analog na cellphone na kasinglaki ng kudkuran ng yelo ay kailangan ko!

Hmmmmp...Isang leksiyon ang talagang natutunan ko sa eksperyensyang ito.....Isang dakila at banal na leksiyon.....

Dapat ay dalawa ang cellphone ko!

No comments:

Post a Comment