Sunday, January 22, 2006

Boksing ni Pacquiao-Morales 2

Maaga akong gumising kanina dahil gusto kong tapusin ang mga gagawin ko ng maaga(tulad ng pumunta sa gym para mag work-out, at mag-grocery ng kaunti dahil wala ng kape at asukal). Ito ay dahil gusto kong panoorin ang rematch ni Manny Pacquiao at Erik Morales sa Sm City.
Bandang alas siyete ng gisingin ako ng aking alarm clock. Nagbihis agad ako at pumunta sa aming kalapit na gym para tumakbo ng tatlumpung minuto sa threadmill at magbuhat ng ilang kilong barbell. Naramdaman kong lumakas ng kaunti ang aking katawan at medyo nagngalit ang aking mga ugat. Pagkatapos kong mag steam bath at maligo, nagbihis ako ng bagong kamiseta at ahhhh talagang nakakarelaks!

Habang nasa palengke ako para bumili ng Taster's Chioce at isang kahon ng Nutrasweet, napansin kong ang karaniwang pinag-uusapan ng mga tao ay ang laban ni Pacquiao sa araw na ito.

Para sa mga may kwarta, mapapanood mo ng tuloy tuloy at walang patalastas ang suntukan dahil sa pay per view, o kaya naman pumunta ka sa sinehan ng SM dahil ipapalabas ng live doon ang boksing sa presyong tatlong daang piso.

Dumating ako sa SM ng bandang alas onse, eksakto. Kaya lang pagdating ko doon tambak na ang mga taong nakapila na nandoon na alas diyes pa lang ng umaga. Resulta, ubos ang lahat ng tiket. Sinabi ng mga takilyera na wala ng ibebentang tiket dahil puno na ang sinehan. Bwisit! Kung alam ko lang na marami palang manonood ay inagahan ko sana ang punta. Wala akong magagawa ngayon kundi panoorin na lang ang boksing sa telebisyon!
Nakakabwisit ito dahil una "delayed telecast" ang boksing sa TV. Pangalawa, ang bawat rounds ay tadtad ng "commercials". Mangiyak-ngiyak akong bumalik ng bahay. Tang-ina, malas talaga, ang wika ko sa sarili ko. Walang kwenta sa akin ang tatlong daang piso mapanood ko lamang ng "live" at walang abala ang laban na ito ni Manny, na matagal ko ng inabangan.

Pagdating sa bahay, binuksan ko agad ang TV at napanood ko yung mga pampainit na laban bago ang main event.

Ikinandado ko ng todo ang bahay. Isinara ko ang bintana. Bakit? Kasi alam ko na habang nasa kainitan ako ng panonood ng laban ni Manny ay biglang may mga bastardong sisigaw sa aming kalye na tapos na ang laban at isisigaw na ang pangalan ni Manny o ni Morales bilang panalo(dahil nga delayed telecast ang pinanonood ko).

Sa dami ng patalstas ay gusto ko ng sipain ang aking telebisyon. Pero di ko ginawa. Ito ay telebisyong "Sony" at "flat screen" at mahal ang presyo, kaya di ko sinipa. Kaya napapasipa na lang ako sa aking kama, yamot na yamot sa mga patalastas.

Sa wakas ay dumating na ang laban ni Manny. Ipinakilala na ni Michael Buffer ang mga manlalaro. Ahhh galingan mo Manny ha? Nabuwisit ako sa kumanta ng ating pambansang awit. Napakabagal ng rendisyon niya dito, at halatang inartehan ng husto, kaya naging over-acting. Lumabas tuloy na may pagkasintunado ang kanyang pagkanta. Malayo pa naman ang pasyon.
Teka muna bago magsimula...isang dosenang patalastas muna...

Round 1: Tantiyahan muna sa loob ng isang minuto...ilag dito ilag doon ang ginawa ng dalawa..tapos may pabiglang suntok si Morales na nakapag-paindak kay Manny. Pinalitan ito ni Manny ng dalawang suntok pero di gaano tumama. Konti pang mga maliliit na suntok.Ping.Tapos ang round. Medyo pantay ang dalawa sa iskor..

Isang dosenang patalastas...Nagkape ako..Ito lang ang adbentahe ng panonood sa loob ng bahay. Pwede kang magtimpla ng mainit na kape tapos humiga habang nanonood. Pwede ring itaas ang paa para mas kumportable..

Round 2: Medyo okay ang round na ito para kay Manny. Nakapagpakawala siya ng mga suntok na dumiretso sa mukha ni Morales. Kaya lang nakaganti din si Morales...sa kalahatan palagay ko ay nakaiskor ng maganda sa round na ito si Manny...Ping...Tapos ang round...
Isang dosenang patalastas uli...Darlington Socks..Ito daw ang medyas na gamit ni Manny...No Fear..Ito daw ang brief na gamit ni Manny...Thuderbird Feeds para sa mga panabong na manok. Teka, teka ito din kaya ang kinakain ni Manny? heheh joke lang... Gud lak sa ikatlong round Manny!

Round 3: Maganda ang mga jabs dito ni Morales kaya lang nagantihan na naman siya ni Manny na nakatama ng ilang ulit sa kanyang mukha. Ilang salpukan pa ang naganap. Ilag uli..lusob..atras..kaunting yakapan....haaaay baka iba na yan haaaah papah...
Para sa akin, kay Manny ang round na ito. Ping...

Labinglimang patalastas....teka...kanina isang dosena lang a! Bakit nadagdagan ang patalastas? Sobra naman kayo! Hindi na kayo naawa sa sambayanang Pilipino na namumuti ang mga balintataw ng mga mata sa kahihintay sa laban ni Manny!

Round 4: Mga jabs uli ni Morales ang nakakontrol sa round na ito. Medyo napigilian nito ang "raging bull" na pag-atake ni Manny, na ipinapakitang handa-handa siya sa gabing ito. Magandang mga palitan ng suntok ang ipinamalas ng dalawa. Sa tingin ko ay medyo ungos ng kaunti si Morales sa round na ito bagamat nakikita kong walang humpay ang atake ni Manny na parang toro...Ping.....

Patalastas...Nakatulog ako ng bahagya. Sa puntong ito ay may naulinigan akong nag-uusap sa labas ng bahay na tapos na daw ang boksing...Tinakpan ko ang tenga ko dahil ayaw kong masira ang panonood ko sa "delayed telecast". Kaya lang may kung sinong tarantadong nagsumigaw sa kalye na ang panalo na daw ay si Pacquiao..Narinig ko ito pero sinabi ko sa sarili ko na baka nagloloko lang ang taong iyon at ang totoo'y di pa talaga tapos ang laban. Gayunpaman ang mga sumunod na round ay nakapagpatibay sa balita.

Round 5: Ipinakita ni Pacquiao na siya'y ambidextrous sa gabing ito. Kanan kaliwa ang suntok na pinakawalan niya na ikinagulat ni Morales dahil dati rati'y kaliwa lamang ni Manny ang madalas manuntok. Pero ngayon ba naman ay pati na rin kanan? Gayunpaman ang mga biglaang jabs ni Morales ay nakapagkontrol na kaunti sa lalo pa yatang lumalakas na si Manny. Nakita kong ang mukha ni Morales ay namamaga-maga na. Nagdugo na din ang kanyang ilong. Ping....

Round 6 at 7: Pinakawalan na ni Manny ang mga pamatay niyang suntok. Dito ipinakita ni Manny ang tunay na galing niya sa boksing...ikot dito ikot doon..jabs..sunod-sunod na suntok.: mukah..sa tagiliran..sa tiyan..Sa bandang huli medyo nakabawi si Morales sa ilang mga pangsorpresang jabs at kaakibat na suntok. Sa kabuuan kay Manny ang mga rounds na ito, bagama't muntik na bawiin ni Morales sa bandang huli dahil sa mga panghuling pahabol na suntok kay Manny...Ping...
Labing tatlong patalastas! Maawa naman kayo!!!

Round 8: Muntik ng bumagsak si Morales sa round na ito dahil sa kaliwa kanan na suntok ni Manny. Nakakapit lang si Morales sa ropes kaya di bumagsak. Maraming matitinding palitan ng suntok, nakaganti din ng matitinding suntok si Morales...Hiyawan ang mga tao dahil sa tindi ng palitan. Kung nadoon ka siguro sa tabi ng ring ay pakiramdam mo ay lumilindol na. Tumatalsik ang mga mukha ng kapwa boksingero! Ito na siguro ang Armagedon!
Kaya lang si Pacquiao pa rin ang naka-angat sa palitan ng mga suntok. Talagang desididong ipanalo ni Manny ang labang ito. Kay Manny na naman ang round na ito. Halos walang humpay ang pagsuntok ni Manny, parang isang robot na may bateryang Energizer, the battery that lasts loooooonger!!

Halos maaawa ka kay Morales dahil kahit nabubugbog ay pilit na lumalaban at itinataguyod ang karangalan ng Mexico. Kaya lang ay mas matindi ang nasa balikat ni Manny. Kapag naipanalo niya ang labang ito, tiyak na ikararangal ng lahat ng Pilipino.
At ikararangal din ni Gloria Macapagal Arroyo...na ngayon ay medyo kinakabahan sa bantang kudeta laban sa kanyang gobyerno....Mabuti na lamang at ang mga nagtatangkang magpatalsik sa kanya ay abala din sa panonood ng boksing ni Manny....teka..bat ba napunta sa pulitika...

Isang dosenang patalastas...Pare-pareho din naman...Oo na, bibili na kami nyan basta ipalabas nyo na agad ang susunod na round!

Round 9: Matinding suntukan pa rin ang naganap. Diyos ko..Nakakaawana sila pareho! Pero mas nakakaawa ang nangyari kay Morales..Putok putok na ang kanyang mukha. Marami din nakuhang suntok si Manny, pero sa tingin ko ay hindi man lang niya iniinda ang mga ito! Grabbeeee! Sige suntukan!!! Nakakabaliw na ito! Ito na ang isa sa pinakamagandang laban sa boksing na napanood ko sa buong buhay ko! Kay Manny ang round na ito!
Labimpitong patalastas!!!!!

Round10: Umuusok sa tindi ng sagupaan ang round na ito. Nagpakawala si Manny ng kanan kaliwa na suntok..medyo nailagan ni Morales pero heto na naman ang panibagong bugso ni Manny...tapos nakaganti ng kaunti si Morales...Bumagal na talaga si Morales halatang pagod na rin, samantalang si Manny ay tila wala yatang kapaguran...Napakahusay niya, suntok dito suntok doon..napakabilis ng mga kamao...parang kidlat...tapos palit ng posisyon..hataw sa katawan ni Morales...pagkatapos pinakawalan ni Manny ang isang magkabilang suntok sa ulo ni Morales. Bagsak si Morales!

Binilangan ng referee, tumayo si Morales pagkatapos ng walong segundo...laban uli pero makikita mo talaga na patapos na ang laban..maaaninag mo na sa porma ni Morales na pasimula na ang wakas! Panay magkakabilang suntok sa katawan ang pinakawalan ni Manny....at si Morales ay tuluyan ng nalugmok, inihinto na ng referee ang laban!Panalo ang Pilipino!

Mabuhay ka Manny Pacquiao!

Mananatili ka na sa aming mga puso at isipan! Asahan mo ipagpapatayo ka pa namin ng monumento! Ang sarap maging Pilipino!

Mabuhay ang Pilipinas!

No comments:

Post a Comment