Ang makasaysayang Cubao Overpass ay piping saksi sa mga pusong wagas ang pag-iibigan at mga pusong nasawi sa pag-ibig. Ito ang dakilang tipanan ng mga nagliligawan at mga magkakasintahan sa Cubao. "Mahal, magkita na lang tayo sa Cubao overpass ng alas-otso ha?"
At sa mga pusong bigo ay: "Paalam sa iyo huling pagkikita na natin ito, sana'y matagpuan mo rin ang taong tunay na magmamahal sa iyo"
Edsa Cubao. Larawang kuha mula sa Cubao Overpass. 4:45pm
Ang limang palapag ng Farmer's Cubao. Wari ko'y isang maliit na siyudad. Libo-libong mga tao ang namamasyal dito araw-araw. Karamiha'y mga mamamayan talaga ng Cubao, ngunit mayroon ding mga baguhan at bagong salta.
Isang karaniwang tagpo sa loob ng Farmer's. Hugos ang tao paroo't parito. Sa partikular na lugar na ito ay matatagpuan mo ang mga matatandang binatang naghahanap ng aliw, mga pokpok na nagbebenta ng aliw, mga bakla na nanghahanting ng lalaki o kapwa bakla, o kaya nama'y mga karaniwang taong nais lamang magpalamig upang takasan ang alinsangan ng lungsod.
Ang Farmer's Food Court ay paboritong kainan o palipasan ng maliligayang sandali ng mga magkakasintahan sa Cubao. Ang karamihan naman ay hindi man lamang umoorder ng pagkain at nakikinig lang sa grupong bandang tumutugtog. Karaniwan ng pinapaalis ng mga gwardya ang mapansin nilang mga taong tumatambay lamang.
Ganap ng lumatag ang kadiliman ng lumabas ako ng Farmer's .6:45pm
Ang Farmer's Market ay mainam na pamilihan ng mga sariwang isda, karne at gulay. Sa kaliwa ng larawan ay ang tindahan ng mga sariwang lamang-dagat. Sa kanan naman ay ang tindahan ng mga bagong katay na karne.
Ang Food Fiesta sa ikalawang palapag ng Farmer's Market ay kababagong kumpuni lamang at lalong pinalaki at pinaganda. Dito ay maaari mong ipa-ihaw sa maliit bayad ang sariwang isda at karne na binili mo sa palengke.
Ang aming ipinagmamalaking Araneta Coliseum sa Cubao: noo'y kilala bilang pinakamalaking "domed coliseum" sa buong mundo. Naging sentro ng atensyon ng buong mundo ang Araneta noong October 1, 1975 sapagkat dito ginanap ang pamosong "Thrilla in Manila" na suntukan nina Muhammad Ali at Smokin Joe Frazier.
Isang paboritong kainan sa Cubao ay ang Chopstick House, isa sa mga pinakamatandang restawran sa Cubao. Mura lamang ang pagkain dito pero masarap. Subukin ninyo minsan upang matikman.
Isang bahagi ng lansangan sa Aurora Boulevard. Dito ay nagkalat ang mga pulubi, mga bumibili ng mga sirang alahas at relo, o kaya naman ay yaong nais lamang maglakad-lakad upang langhapin ang amoy ng Cubao.
Ali Mall pagsapit ng dilim. 7:25 pm.
Ito ang Cubao pagsapit ng dilim.
No comments:
Post a Comment