Saturday, January 28, 2006

Quiapo by Night

Nagsimba ako sa Kiyapo noong biyernes. Nakagawian ko na itong gawin linggu-linggo dahil ipinamulat sa akin ito ng aking mga magulang. Kakatwa talaga, dahil hindi naman ako relihiyosong tao. Kaya nga pag pumapasok ako sa simbahan, ang ginagawa ko lang ay magpahid ng bendita sa aking noo, lumuhod ng ilang minuto, magdasal ng isang Ama Namin, isang Aba Ginoong Maria, at Isang Luwalhati. Pagkatapos ay uupo ako ng kaunti sa isa sa mahahabang upuan, titingin kunwari sa altar, subalit ang talagang tinitignan ko ay ang mga kapwa ko nagsisimba, at baka may kakilala ako sa kanila. Palagay ko ay ganito ang mga katangian ng isang pangkaraniwang katoliko.


Paglabas ko ng simbahan ay sinalubong ako ng mga pulubi na nakahandusay sa entrada ng simbahan. Karaniwan na akong nagbibigay ng mga mamisong abuloy sa kanila. Para sa akin ay mga barya lamang ito at pampabigat ng bulsa, subalit para sa kanila ito’y kayamanan at pampagaan ng hirap. Nakakatuwang isipin na ang isang maliit na bagay para sa isang tao ay napakahalaga naman sa iba.
Tapos dumaan ako sa may Plaza Miranda at ang nakita ko naman ay ang mga nakahilerang mga pamosong “Manghuhula ng Kiyapo” sa kani-kanilang maliliit na lamesa. Ako’y hindi naniniwala sa mga hula dahil sa palagay ko ay isa lang itong hanapbuhay, datapwat masasabi kong marami ang naniniwala sa kanila. Marahil ang pinakasikat na manghuhula sa Kiyapo ay si Ming Li Ong. Sikat siya kaya may sarili ng opisina na nasa ikalawang palapag ng isang lumang gusaling katapat mismo ng restawran ni Ma Mon Luk, sa Quezon Boulevard.
Pagkapatapos kong mapadaan sa mga manghuhula ay pumunta na ako sa may palengke ng Quinta, dahil bibili ako dito ng paborito kong “Hamon Excellente”. Ang hamong ito ay “smoked old-style ham” at napakasarap ipalaman sa mainit na pandesal sa almusal. Pagkatapos ay ipareha mo pa ang isang malasadong itlog at mainit na kape at siguradong magiging maganda ang maghapon mo.
Pagkagaling sa Excellente ay naglakad na ako sa mga maliliit na kalye ng Kiyapo. Dito ay may mga nakahilerang nagtitinda ng mga anting-anting, mga rosaryo, mga bendita, at istampita. Tapos dinaanan ko din yaong mga nagtitinda ng mga sari-saring halamang gamot, mga sari-saring langis, mga gamot tungkol sa pagka-baog, pamparegla, at mga gayuma. Hmmm....ano kaya itong gayuma? Ito’y isang maliit na bote ng mertayoleyt na may lamang kaunting langis. Tinanong ko ang tindera kung paano ginagamit ito…Ang sabi niya ay lagyan ko daw ng papel na may nakasulat na pangalan ng iniibig ko ang loob ng bote at walang salang sa loob ng dalawang linggo ay mamahalin na agad ako ng iniibig ko. Napakatagal na panahon naman yan, ang wika ko sa sarili ko. Isa pa tiyak na magagalit ang asawa ko. Kaya di ako bumili, bagkus ay bumili na lang ako ng isang estampita bilang regalo sa asawa ko. Ang estampitang ito ay may larawan ng birheng maria, at napakainam tingnan.

Habang naglalakad patungo sa MRT(para aking sakyan pabalik ng Cubao) kumuha ako ng iba’t-bang larawan sa aking munting kamera. Alam kong medyo may pagkadelikado ito kaya lubos ang pag-iingat ko. Ang aking kamera ay maliit lamang, halos kasing laki lang ng isang credit card, kaya kayang ibulsa sa loob ng aking polo shirt. Ang kamera na ito ay magaan at napakadaling itago sa mga mata ng mausyosong tao. Ako ay isang "adventurous" na tao. Mas marami pang delikadong bagay ang nagawa ko na kaysa dito. Tulad na lang nung ako'y ikasal noong nakaraang taon....

Ang pagkuha ng mga larawan ay isa sa mga paborito kong gawain. Nakapagbibigay saya sa akin ang tingnan ang mga larawan sa mga sandaling nag-iisa ako. Lalo pa at ang mga larawang kuha ay mga bahagi ng kalye, mga tao habang naglalakad, mga makasaysayang gusali, at iba’t-ibang tagpo ng Maynila.



Kung ikaw ay mamamasyal sa Kiyapo ay tiyak na mapapadaan ka sa Kiyapo Underpass. Ang underpass na ito ay ipinagawa pa noong dekada sisenta (noong panunungkulan ng Alkalde Antonio Villegas, na pinsang buo ng aking Lolo Mariano, sumalangit nawa ng kanilang kaluluwa). Mayroong mga lagusan ito patungo sa kalye Hidalgo, kalye Quezon Boulevard, Plaza Miranda, kalye Echague, at sa harap mismo ng simbahan. Sa underpass ay matatagpuan mo ang iba’t-ibang mga nagtitinda ng kung ano-ano, may mga nagtitinda ng swipsteyks, mga suyod, mga tsinelas, mga bitso, at iba pa. Sa mga hagdanan nito ay makikita mo naman ang mga sari-saring pulubi:may mga bata, may mga matatanda, may mga kapansanan, may ina na nagpapasuso pa ng madungis na anak, at mayroon ding pulubi na akala mo ay wrestler ang katawan pero nakahandusay at humihingi ng limos. Yan ay makapal ang mukha.

Ang Kiyapo sa pagsapit ng gabi ay tulad din sa Cubao….pumupustura…nagme-mek-ap. Ito ay larawang kuha bandang alas-nuwebe ng gabi. Ayan ang mga ilaw ng Kiyapo ay nagkikislapan na.

Gusto mo bang manood ng sine? Wala kang matinong palabas na makikita sa Kiyapo. Ang mga palabas ay yaong may pagkasekswal ang dating at nararapat lamang sa mga naghahanap ng init sa katawan. Ang dalawang pamosong sinehan na nagpapalabas ng malaswa ay ipinasara na tulad ng Center at Gala Theaters.

g lansangan sa Kiyapo. Maraming tao ang nagdaraan umaga man o gabi. May mga nag-oopisina, may mga estudyante, at mayroon ding mga namamasyal lang tulad ko.
Mayroon ding mga manggagantso, mangdurukot, at mga halang ang kaluluwa. Kungsabagay mas kaunti ang nananakaw nilang pera kaysa sa mga pulitikong naka-barong tagalong pa. Ang mga ganyang pulitiko’y dapat na mahatulan ng bitay sa Bagumbayan.

Ang larawang ito ay kuha sa Abenida Rizal dakong mga alas-nuwebe ng gabi. Napakamaaliwalas tingnan nito. Ang dating pangalan pala ng Abenida Rizal noong panahon ng kastila ay Plaza Cervantes. Yan ay nabasa ko sa isang munting marker na inilagay dito ng pamahalaang lungsod.


Alas nuwebe ng gabi sa Abenida Rizal ay pwede kang humigop ng mainit na taho. Sampung piso para sa malaking baso. Limang piso para sa maliit na baso. Tatlong piso para sa basong pangdwende. Kung piso lang ang pera mo ay kumuha ka na lang ng tansan ng Pepsi.

Ito ang Three Stars Café sa kanto ng Recto at F. Torres. Masarap ang mainit na tsokolate dito, na may presyong kinse pesos bawat tasa. Habang humihigop ako ng mainit na tsokolate ay biglang may dalawang babaeng nag-away sa katabing kalsada. Ang lalakas ng mga sigawan nila at halos nag-pang-abot na kundi lamang inaawat ng ilang tao. Ako naman ay umusyoso din dahil wala na akong ibang hinahangaan kundi ang makakita ng mga taong nag-aaway. Ito sa palagay ko ay isa sa mga katangian kong pantao. Dahil dumating ang mga pulis, unti-unti namang umalis ang mga taong nanood, nanghihinayang na hindi natuloy ang pagbabag. Gayon din ang ginawa ko.


Ang mga pagkaing lansangan na katulad nito ay matatagpuan sa lahat ng sulok ng Maynila. Sa kaliwa ay ang Kwek-kwek, itlog ng pato na binalutan ng harina(kwatro pesos), at sa kanan naman ay ang Tukneneng, itlog ng pugo na binalutan din ng harina(dos pesos ang isa).



Isang karinderya sa kalye Recto (sa tapat ng sinehang Odeon, na ngayon ay kasalukuyang kinukumpuni). Bente pesos isang order ng ulam at limampiso naman sa kanin. Pwede magkamay kung di sanay kumain ng naka-kutsara.

Ang batang tinderong ito ng Bola-bola ay naghihintay na sa paglabas ng mga suki niyang mga panggabing manggagawa. Singkwenta sentimos ang isang piraso ng bola-bola o Pis Bol, sa kikyam naman ay dalawang piso ang piraso. Ang sarsa nito ay nakabukas palagi at nilalangaw pa. Kungsabagay mura naman kaya ayos din ang langaw.

No comments:

Post a Comment