Natulog ako ng ala-una ng tanghali kahapon at nagising ng mag-aalas siyete ng gabi. Karaniwan ko ng ginagawa ang matulog tuwing tanghali pero ngayon lang ako nakatulog nag ganito kahaba. Syempre ang una kong ginawa pagkagising ay dyumingel. Pagkatapos naghilamos at humigop ng mainit na kape. Iba talaga ang pakiramdam pagkatapos ng mahabang pagtulog…medyo mabigat ang ulo at medyo mahina pa ang mga kasu-kasuan.
Wala naman akong masyadong ginawa pagkatapos, nanood lang ng tv, nakinig ng radyo at nagbasa ng aklat. Natapos ko ding basahin ang nobelang “Master and Margarita” ni Mikhail Bulgakov. Isang linggo ko din itong binasa at talaga namang nakakaaliw basahin. Mahusay ang pagkakasulat ni Bulgakov, bukod pa sa maganda ang kanyang tema: Si Kristo, si Satanas, at si Ponsyo Pilato. Hindi ito "religious" na nobela bagkus ay isang satiriko kaya talagang nakaka-enganyo basahin. Para sa akin ang nobelang ito ang isa sa mga obra maestra ng panitikang ruso sa loob ng nakaraang daangtaon..
Masyado akong nahumaling sa pagbabasa kaya hindi ko tuloy namalayan na mag-aalas dose na pala ng hatinggabi. Syempre dahil sa mahaba kong pagtulog kanina, di ako dalawin ng antok.
Gusto kong matulog pero ayaw makisama ng animal kong utak….Makahiga na nga lang at baka sakaling dalawin din ng antok…Tinakpan ko ng unan ang mukha ko at nagpumilit umidlip…wala...ayaw talaga…teka bakit ba madilim e hindi naman ako nagpapatay ng ilaw pag natutulog? Ay oo nga pala nakatakip nga pala itong unan sa mukha ko….bwisit!
Ipinilipit ko pakanan at pakaliwa ang aking katawan para patunugin ang aking mga gulugod…kkkrrrkk….ah sarap…pagkatapos hinila ko ng isa-isa ang aking mga daliri para patunugin din ang mga buto....kkkrrrrk..krrrkkk….ah sarap. Teka leeg naman…pakanan..krrkk…pakaliwa..krrk....ah nakakarelaks!
Pero di pa rin ako inaantok e…Mag-aala una na…A, alam ko na….
Binuksan ko ang radyo at naghanap ng mga nakakaantok na tugtugin. Mangyari pa, lahat yata ng mga istasyon ng radyo sa FM ay naka-sign off na at ang maririnig na lang ay yung parang pinagsama-samang huni ng isang daang langaw. May mangilan-ngilan na istasyon ang nanatiling nakabukas, sa malas ay puro na lang walang kwetang musikang pang-disco ang kanilang pinatutugtog. Mga iresponsableng istasyon! Hindi ba nila nalalaman na sa mga oras na ito ay karaniwang tulog o nagpapahinga ang mga tao? Mga bastardo, dapat nilang pahalagahan na ang karaniwang nais marinig ng mga tao sa ganitong mga oras ay yaong mga pampatulog!
Mabuti pa kaya sa AM na lang ako humanap ng pampaantok na tugtugin….hmmm…teka…marami ding langaw ah....pihit dito:istasyong intsik….pihit ulit:istasyong pang-relihiyon…pihit na naman: istasyong puro daldalan at diskusyon sa mga personal na problema. Sa istasyong ito ay maaaring tumawag ang sinuman upang ipangalandakan mo sa buong bayan ang mga suliranin mo sa buhay. Pagkatapos bibigyan ka ng payo ng kung sinong nagdudunung-dunungan na host ng programa na kesyo ito ang gawin mo, at kesyo wag mo itong gawin, na ang akala mo ba ang host na ito ay may solusyon sa lahat ng suliranin ng kanyang caller!
Pinatay ko na ang radyo dahil di ko na matiis ang ganitong mga kawalang habas na kalokohan. Naisip kong ang mga tao kapag may problema ay dumudulog sa mga taong inaakala nilang magbibigay ng dakilang payo sa kanila. Malaking kamalian ito sapagkat ang taong may suliranin lamang mismo ang nakakaunawa ng kaniyang suliranin kaya nga dapat siya din ang humanap ng solusyon nito para sa kanyang sarili!
Makapagtimpla na nga lang ng kape. Mangyari pa, wala ng kape…asukal at mainit na tubig na lang…pwede na kayang pagtyagaan ito...hehe….talaga yatang minamalas.
Dumungaw ako sa bintana at sumilip sa madilim na kalye. Walang katao-tao, ni isa. May dalawang aso akong nakita, parehong naghihikab. Mabuti pa sila at inaantok na.
Dahil mag-aalas-tres na ay naligo na lang ako. Ahhh napakalamig ng tubig! Lalo tuloy akong nagising… Nagbihis ako at nagpasyang mag-almusal sa Cubao…sa may Jolibee Farmers dahil beinte kwatro oras itong nakabukas….ginising ko ang aking kasambahay upang sabihing pupunta ako sa Cubao upang mag-almusal at kung pwede ay pakikandado ang bahay. Gumising naman siya agad at hihikab-hikab na sinunod ang utos ko. Utu-uto.
Napakalamig ng simoy ng hangin sa labas kaya nangaligkig ako. Ang mga bituin sa kalawakan ay nagbibigay tingkad sa pusikit na gabi. May mangilan-ngilang manggagawang panggabi ang nakasalubong ko na pauwi sa kani-kanilang tahanan.
Nagpapara ako ng taxi pero tinanong muna ako ng drayber kung saan ako patungo. ”Cubao” ang sagot ko. Tumango siya at sumakay na ako. Naisip kong ang mga drayber ay talagang dapat mag-ingat sa isasakay nilang pasahero lalo na sa mga alanganing oras na ganito. Ang pagtatanong nila bago pasakayin ang pasahero ay isang teknik upang maaninag ng husto ang kanilang isasakay na pasahero. Sa kaunting panahong ito ay susuriin nila kung ang pasahero ba ay mukhang holdaper, mukhang tarantado, o mukhang lasing. Marahil ay di ako mukhang holdaper o mukhang tarantado, at siguradong di rin ako lasing kaya pinasakay niya ako. Iba na talaga ang may pang “starstruck” na mukha…
Karaniwan na akong nakikipagkwentuhan sa drayber kapag sumasakay ng taxi pero wala akong ganang makipaghuntahan ngayon bukod pa sa tatlong minuto lang naman ang aming lalakbayin: ilang sandali lang ay nasa Cubao na kami: ang pamasahe ko ay treinta’y singko pesos pero binigay ko na sa pobreng drayber ang dalawang beinte dahil alam kong ako ang bwena mano niyang pasahero sa araw na ito.
Madilim pa rin sa Cubao. Bumaba ako sa tapat mismo ng bus terminal sa may tapat ng Ali Mall, dahil alam kong kukuha ng pasahero ang drayber sa mga nanggaling sa lalawigan.
Sa terminal ay maraming mga pasahero ang bumaba sa mga bus na galing sa Bikol at Samar-Leyte. Ang dami nilang bagahe, nakatambak na halos sa kalsada. Ang ilan sa mga probinsyanong ito ay lilinga-linga at nakapamulsa, halatang mga bagong salta. Dahil sa ginaw marami sa kanila ang mga nakabalabal. Ang iba naman ay tahimik na humihigop ng mainit na kape sa isang kiosk sa gilid ng terminal. Marahil ay naghihintay sila ng kanilang sundo, kasi Maynila na ito at baka sila maligaw. Nakita kong ang taksing sinakyan ko ay inarkila ng isang bagong saltang maraming bagahe.Maganda talaga akong mag-bwena mano. Sa may di kalayuan ay may nakita akong bukas na kiosk ng Dunkin Donut, at naisip kong doon na lang mag-almusal. Kaya lang wala itong mga mesa, bukod pa sa maraming bumibili ng mainit na kape.
Kaya naglakad-lakad na ako patungong Farmer’s. Ahhh napakaginaw at nanunuot ang lamig sa aking buto. Madilim pa rin ang paligid. Mabuti na lang ay sagana sa mga ilaw ang mga poste dito sa Cubao, at ang mga puno ay napapalamutian ng mga krismas lights, at sa palagay ko ay mananatili na ito sa boong taon.
Dinaanan ko ang Araneta Coliseum. Dati-rati, di ko pinapansin ang Coliseum sapagkat karaniwan ko na itong dinaraanan araw-araw. Kung minsan nga sa tingin ko ay para lang itong isang higanteng mangkok na nakataob. Pero ngayong madaling-araw na kakaunti ang mga tao at madilim ang paligid, ang mga higanteng ilaw sa paligid ng coliseum ay nakapagbigay ng kakaibang imahen ng Coliseum. Sa wari ko’y nagmistula itong isang higanteng flying saucer ngayon, gaya ng ipinalabas ni Spielberg sa kanyang pelikulang “Close Encounters of the Third Kind”.
Ganito pala ang Cubao sa madaling-araw. Matahimik at walang gaanong tao…Paminsan-minsan ay may ilang sasakyang dadaan, o kaya naman ay ilang manggagawa ang makikitang naglalakad, pero sa kabuuan ay nakakapanibago…napakamaaliwalas ng buong paligid….lalo na kung iisipin na sa ilang oras lang ay sasabog na ang haring liwanag at magiging matao na naman ang lugar na ito.
Sa palengke ng Farmer’s ay nakita ko ang ilang trak na nagbababa ng itinitindang mga isda. Nagkalat ang mga banyerang puno ng mga yelo. Ang malamlam na liwanag ng mga ilawang kinke ay nakapgpaalala sa akin sa aking pamamasyal sa daungan ng Calbayog.
Ang mga taong palengke ay unti unti ng nagigising at may mangilan-ngilan na ring mga mamimili na may bitbit na bayong….
Tapos lumakad na akong muli patungong Farmer’s. Pumasok na ako sa Jolibee sa may kanto ng Farmers sa tapat ng Edsa. Nag-magandang umaga ang gwardya sa akin at gayon din ang ginawa ko…sa labas ng entrada ay may ilang mga tao ang nakatayo na parang may mga hinihintay…Pagpasok ko sa loob ay napansin kong may mangilan-ngilang kostumer..Umorder ako ng mainit na kape, sinangag, itlog at korn bip.
Umulit pa ako ng isang order ng sinangag. Napakasarap din ng binurong kape kaya bumili pa uli ako ng isa…...Napakasarap kumain…Nabusog ako ng husto. Naramdaman kong lumaki ng bahagya ang aking tiyan...Tapos naramdaman ko na na inaantok na ko...Ayun nga pala ang mabisang paraan para antukin..ang kumain!…..Dali-dali akong sumakay muli ng taxi upang matulog na sa aking bahay….Unit-unti ng nagliliwanag ang kapaligiran. Nakakita ako ng nakabisekletang naglalako ng mainit na pandesal at isang mamang nagtitinda ng taho…Dumarami na ang mga manok na tumitilaok….pahiwatig na umaga na talaga….Pagdating ko sa bahay ay ibinagsak ko agad ang aking katawan sa aking kama...sa bintana ay naaninag ko na ang masaganang sikat ng haring araw…saka pa lamang ako nakatulog.
No comments:
Post a Comment