Kaninang hapon, tulad ng nakagawian ko na pag bagong sweldo, pumunta ako sa National Bookstore Superbranch sa Cubao upang mamalengke ng ilang aklat para maging pagkain ng aking utak. Tatlong bahagi lang naman ang lagi kong tinitingnan sa National, yung Filipiniana, yung trade books, at yung mga previously owned books sa fourth floor.
Syempre bago ako pinapasok ng mga gwardya e tiningnan muna nila ang laman ng dala kong knapsack. Ito ay ginagawa nila sa lahat bilang patakaran upang masigurong walang kahindik-hindik na laman ang bagahe ng papasok sa kanilang tindahan. Maaring bomba o kaya grandada, o kaya maalingasaw na bagoong..... Pagkatapos dineposit ko na ang bag ko sa may baggage counter.
Sa Sekon Plor muna ko pumunta. Tumingin-tingin ako sa Filipiniana. Nakita ko yung bagong aklat ni Nigel Hicks na ang title ay This is the Philippines, isang guide book sa Pilipinas. Dahil walang balot na plastic, binuklat buklat ko ito at napahanga sa ganda ng mga litratong kuha ni Hicks. Gustong gusto ko ang aklat na ito, ang daming magagadang tanawin, para ka na ring naglibot sa buong PIlipinas. Kaso ang mahal e. Isang libo mahigit. Gusto ko na sanang bilhin pero naisip kong saka na lang kapag may sale ang National. Atsaka tutal marami pa namang stocks na kopya kaya ipagpapaliban ko muna. Basta Bibili talaga ako nito kahit sa isang linggo. Malay mo kahit bukas...yan ay kung padadaig ako sa aking pagiging "impulsive" na katangian.
Tapos nakita ko yung aklat na The Ultimate Pilipino Movie Album FactBook. Talaga lang ha! Ultimate! Buweno tingnan nga natin. Binuklat buklat ko yung aklat. Aba okey ito ah, ang daming mga impormasyon lalo na sa mga sinaunang pelikulang Pilipino, tapos ang dami ding larawan ng mga sinaunang pelikula. Tiningnan ko kung saan inilimbag ang aklat: sa Ilo-ilo, at ang batikang mananalaysay ng pelikulang si Jessie Garcia ang may-akda. Ito! Ito ang bibilhin ko! Teka magkano ba? 599 pesos! Medyo mahal lang...Isip muna...buklat uli..pwede na kaya sa 599 ang aklat na ito...Oh my God, hindi ako makakatulog kung hindi ko ito bibilhin...baka bukas ubos na ang mga kopya at kailanganin ko pang pumunta ng Ilo-ilo para lang mabili ito. Ah, bandang huli napagdesisyunan kong wala na akong makikita pang katulad ng ganitong karaming impormasyon sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino, kaya sige! Bibilhin ko ito. Now na! Kaso ang daming nakapila sa kahera, mayroon pang isang lalaki na isang kart ng aklat ang binili...puro aklat ng batas! Malamang na nag-aabugasya ang taong ito. Hindi ko maubos maisip kung paano niya babasahin ang ganoong karaming aklat. Revised Penal Code, Omnibus, Family Code...masisiraan ako ng bait pag nag-abugasya ako.
Muli akong nagbuklat-buklat g iba pang mga aklat...At ito ang mga iba ko pang napili:
A History of Violence 450; History of Coffee, 260pesos; People's Almanac 240pesos; The Balangiga Massacre 250; The Enigma of Suicide 280pesos; The Little Prince by de St. Exupery 140pesos; Tama na ito....Palagay ko matagal na kong magiging abala sa pagbabasa nito!
Pagkatapos bayaran ang mga aklat(ang bigat nila ha)...tumuloy ako sa Farmer's para magkape sa Dunkin Donuts sa may terd plor. Umorder ako ng kape at dalawang donut na ang flavor e Bavarian at Boston Cream...
Habang ngumangatngat ng donut binuksan ko ang mga aklat na napamili ko at tiningnan-tingnan isa-isa na parang baliw. Kulang-kulang dalawang libo din itong napamili kong aklat. Pero ayos lang, kasi wala naman akong ibang bisyong pinagkakagastusan..Di ako naninigarilyo, hindi rin umiinom ng alak, hindi rin nambababae...hindi rin nagsusugal...hmmm minsan lang...palagay ko naman ay normal na tao lang ako para gumawa ng kasalanan paminsan-minsan hehehe.
Tsaka sa palagay ko ang mga aklat ay "investment", pwedeng ibenta sa Recto sakaling magkahirapan.
Pagdating ko sa bahay binalutan ko agad ang mga aklat ng plastic cover. Pagkatapos inihilera ko sa aking bookshelf na ngayon ay talagang punong-puno na ng mga aklat. Siguro pag tanda ko e idodoneyt ko na lang itong mga aklat sa National Library. O kaya sa isang maliit na paaralan sa Babuyan Islands...
Ang una kong binasa syempre ay yung Movie FactBook. Grabe sulit talaga ang binayad ko dito. Ang dami kong natututunan. Tulad na lang ng kung anong unang pelikulang tagalog ang may salitaan(talkies), saang pelikula unang lumabas si Rogelio dela Rosa, ano ang pangalan ng unang sinehan sa Pilipinas, ano ang pinakamahal na pelikulang ginawa sa Pilipinas......Bukod dito, isinasalaysay din ng may-akda ang mga kasaysayan ng mga klasikong pelikulang tagalog, at inipon din niya ang mga ala-ala ng mga sinaunang artistang Pilipino...at maraming marami pang iba....Di ako magtataka kung sa darating na araw ay magiging "walking encyclopedia" din ako sa larangan ng pelikula...Speaking of "walking encyclopedia", buong paggalang akong nakikiramay sa pamilya ni Ka Ernie Baron....
Pagkatapos ng ilang oras na pagbabasa medyo inaantok-antok na ako. Tapos biglang may narinig akong nag-uusap sa ibaba ng bahay...May namatay daw, kaya dali-dali akong bumaba. Nakita ko yung katulong namin na medyo maluha-luha yung mga mata...Kaya sumigaw ako: sino ba yung namatay? Kuya, ang sagot niya sa akin, namatay na si Lady Han!
No comments:
Post a Comment