Napakamagastos kong tao. Kung anu-ano ang binibili ko sa araw-araw tulad ng mga cd, dvd, aklat, lumang magasin, damit, at syempre pagkain. Ngayon halimbawa ay mayroon akong isang libong buo pero mamaya-maya ay ubos na ito. Kaya nga minsan ayokong pabaryahan ang pera kong buo, dahil hindi ko namamalayan na ubos na ito paglipas ng buong araw. Minsan kailangan ko pang magkwenta sa aking utak kung bakit ganito na lang ang natira sa pera ko. At lagi namang sakto ang kompyutasyon sa bandang huli.
Hindi naman talaga ako materyosong tao. Kaya lang ay mahilig akong mag-ipon ng mga gamit na kapaki-pakinabang. Ang koleksyon ko ng mga cd at aklat ay di ko na nga mabilang. Nakakatuwa na minsan yung mga pinamili kong aklat nung isang araw ay hindi ko pa rin natatanggal sa balutan kahit nakalipas na ang ilang araw. Ito'y dahil sa marami pa akong nakatakdang basahin at ayokong magbasa ng iba hanggang hindi ko natatapos ang nasimulan ko ng aklat.
Ano kaya kung magtala ako ng listahan ng mga ginagastos ko sa araw-araw? Sa palagay ko ay magandang ideya ito. Sa ganitong paraan, magiging komportable ang isip ko dahil hindi na ko kailangan mag-isip kung bakit naubos ang pera ko.
Naalala ko tuloy na si Doktor Jose Rizal sa buong buhay niya ay may diary( o talaarawan sa Tagalog) kung saan isinusulat niya ang pang-araw-araw niyang pamumuhay. Nakatala sa kanyang talaarawan kung saan-saang lugar siya nagpunta at kung sino-sino ang mga taong nakilala niya. Isinusulat din niya kung ano-ano ang mga ginastos niya sa isang araw.
Yan ay nalaman ko noong bumili ako sa NHI( National Historical Institute) ng "posthumously published diary" ni Doktor Rizal na ang pamagat ay "My Reminiscences and Travels". Masyadong personal ang aklat na ito dahil ito yung mga tinipong ala-ala ni Rizal sa kanyang kwaderno. Marahil kung may internet na noon ay mayroon ding blog si Rizal. Nandito lahat ang mga "lihim" ng ating pambansang bayani, kung sino yung mga "crush" niya , kung anu-ano ang mga iniisip niya( medyo malalalim), at lahat lahat ng tungkol sa kanyang buhay.
Halimbawa ng mga "entry" niya sa kanyang diary ay ito, habang siya ay nag-aaral pa sa UST (ang mga nasa parenthesis ay kumento ko):
January 6, 1884
Pumunta ako sa bahay ni Ventura para kunin ang aklat na "Florante at Laura". Nung gabi, bumili ako ng maraming aklat at pumunta kami ni Ventura sa Restawrang Ingles para kumain(Sosyal ka pala pareng Joe, ha?). Maganda ang serbisyo ng pagkain dito at nasarapan kami. Noong hapon pumunta dito si Graciano(Lopez-Jaena).
Mga ginastos: Wandering Jew(aklat)....10 pesetas
Works of Horace,Dumas(aklat uli)...2.50 pesetas(may "Booksale" na kaya noon hehe)
Tanghalian....32 pesetas(Mahal yata ang Restawrang Ingles ano?O naparami lang ng kain sina Rizal? Sino kaya nagbayad? Wala lang masyado lang akong natutuwa pag iniisip ko ang ganitong mga bagay)
January 7
Walang gaanong importanteng nangyari ngayon maliban sa kami ay sinermunan ng aming propesor sa Griyego dahil sa hindi pagsunod (Hmmm...pasaway din pala kayo noon ha..baka hindi gumawa ng assignment... nasermunan pa!)
January 9
Wala akong ginastos ngayon kahit isang sentimo( Yehey! Pagdiriwang! Nagtipid ang ating pambansang bayani!). Tinapos ko ang aking landscape at drawing ng pigura. Muntik ko ng bilhin ang aklat ng makasaysayang atlas ni Lesage pero may sira ito kaya halos walang halaga.
February 2
Butones at biton ng sapatos...1.30 pesetas
Mga Katulong (hmmm nagbigay ng pera si Rizal sa mga katulong?weird ha)...9.67 pesetas
Subskripsyon( anong magasin kaya ang binayarang ito ni Rizal? Sigurado ako wala pang FHM noon hehee)...8.25 pesetas
Los Cuatro Reynes dela Naturaleza (aklat)....3.50 pesetas
Kastanyas.....0.20 pesetas
Kastanyas.....0.20 pesetas (dalawang balot ng kastanyas ang binili niya.Baka para kay Leonor Rivera yung isa)
Ngayon ay nagtipon kami sa bahay ni Ginoong Paul. Sina Sanmarti, Lete, Ventura, Esquivel, Figueroa, Esteban, ang bagong kasal, at ako. Sa simula ay masayahin si Etermes pero sa bandang huli ay nagalit dahil natatalo siya(Teka..teka..natalo? hindi kay nagsusugal sila? Hehe marahil ay naglalaro lang ng sungka...)
****
O ayan, ayan ang ilan sa mga tala niya sa pang-araw araw niyang buhay. Naku napakarami pa kaya lang di ko naman kayang ilagay dito sa blog ko kung ano-ano lahat yun, dahil mahigit apat na raang pahina itong kanyang talaarawan. Isipin mo naman na sa buong buhay niya ay nagsulat siya ng diary.
Kaya ako, ito din ang gagawin ko. Hindi ko lang itatala ang mga pangyayari sa aking buhay(kahit di gaanong importante), pati na rin ang mga gastusin ko sa araw-araw. Siguro pag tanda ko at naging bayani din akong binaril sa Bagumbayan ay ipalilimbag din ito ng National Historical Institute.
No comments:
Post a Comment