Thursday, February 23, 2006

Festival ng Mga Lumang Pelikula sa Gateway Mall(Feb22-Mar16, 2006)


Bandang alas-kwatro ng hapon kahapon ay nakatanggap ako ng isang mensahe sa text mula sa aking kaibigang movie reporter na si Erlinda Rapadas. Tinanong niya ako kung nais ko daw bang manood ng sine sa Gateway Mall, dahil sa gabing iyon ay ipalalabas ang klasikong pelikulang Zamboanga (1937) ng dakilang actor na si Fernando Poe Sr. Mayroon daw siyang mga libreng “passes” at kung gusto ko raw ba ay ibibigay niya sa akin ang isa. Sino ba naman ako para tumanggi? Ako, na isa lamang hamak na tagahanga ng mga sinaunang pelikula? Ang sagot ko’y darating ako sa loob ng isang oras at hintayin niya ako. Agad akong naligo, gumayak ng bagong plantsang kamiseta, at nagwisik sa palibot ng aking katawan ng pabangong “Carolina Herrera for Men”. Ahhh napakasarap ng pakiramdam!

Naglakad na lang ako patungong Gateway Mall dahil nakita kong napakagrabe ng trapik sa EDSA, bunsod na rin ng mga pagdiriwang sa anibersaryo ng People Power. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit sila nagsasaya….Ang isang diktatoryal na rehimen na pinabagsak at napalitan naman ng dekada ng krisis pang-ekonomiya ay hindi sapat na rason upang magdaos ng mga pang-anibersaryong pagdiriwang…..Ito’y isang malaking kabalintunaan.

Halos mag-aalas singko na nang marating ko ang Gateway Mall. Umakyat ako sa mga sinehan sa ika-limang palapag at doon ay nalaman ko na mayroon palang “film festival” na gaganapin sa Gateway Mall sa loob ng isang buwan, at ngayong gabi ang pagsisimula.


Ang eksibit sa Gateway Mall

Ang titulo ng festival ay Aktres: Pelikula at Lipunan. Sa festival na ito ay ipalalabas ang mga klasikong pelikulang tinatampukan ng mga dakilang aktres sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino. Syempre kabilang diyan ang “Zamboanga” at “Darna” na pinagbibidahan ni Rosa del Rosario, ang “Dyesebel” na pinagbibidahan ni Edna Luna, “Waray waray” ni Nida Blanca, “Sanda Wong” ni Lilia Dizon, at marami pang iba. Ang bawat pelikula ay mayroon lamang takdang isang “showing date". Mayroong mahigit tatlumpung pelikula ang ipapalabas sa pagitan ng ika-22 ng Pebrero hanggang ika-16 ng Marso. Kabilang sa mga pelikula ay ang Sisa, Bulaklak sa City Jail, Nunal sa Tubig, Orapronobis, Noli Me Tangere, Maruja, Malvarosa, Darna, Brutal, Moral, Anak Dalita, Oro Plata, Mata, Sabel, Insiang, Aguila,Badlis sa Kinabuhi, Portrait of the Artist as Filipino, at maraming marami pang iba.


Sa lobby ng sinehan ay mayroong eksibit ng mga antigong kagamitang pangpelikula, mga lumang moviola, mga tropeo ng iba’t ibang aktres, mga kasuotan, at iba’t iba pa.

Mga dakilang aktres ng pinilakang tabing. Clockwise: Atang dela Rama, Charito Solis, Amalia Fuentes, Gloria Romero, Nida Blanca, at Susan Roces.

Matapos ang ilang sandali ay nakita ko na si Linda Rapadas na kasama sina German Moreno at Boots Anson Roa, na sila palang gugupit ng ribbon upang pormal na pasimulan ang festival. Ipinakilala ako ni Linda kina Kuya Germs at nakipagkamay ako sa kanila. Si Kuya Germs ay isa sa mga paborito kong aktor pagdating sa pagpapatawa. Maraming beses kong napanood ang kanyang mga pelikula tuwing magkakaroon ng “re-runs” ng mga lumang pelikula sa telebisyon tuwing tanghaling tapat. Naaalala ko na ang parati niyang kasama noon sa pelikula ay sina Eddie Gutierrez, Lilian Laing, at Ike Lozada. Noon, tulad ni Dolphy nung kabataan, ay patpatin itong si Kuya Germs, subalit ngayon ay tumaba na siya na tulad din ni Dolphy ngayon..

Si Ate Vi sa kanyang Darna costume sa pelikulang Lipad, Darna Lipad!

Ibinigay sa akin ni Linda ang “passes” ko at ilang mga “programme booklet’, “brochures” at “posters” sa pelikula. Tiningnan ko ang “passes” at nalaman ko na hindi lamang pala ito passes para sa pelikulang Zamboanga, kundi passes na rin sa lahat pa ng pelikula sa festival! Kung gayon maoobliga akong panoorin ang lahat ng pelikula ng festival sa loob ng isang buwan. Kung sabagay sino ba naman ako para tumanggi, ako na isang hamak lang na tagahanga?

Ang aking free Press Pass na maaari kong gamitin upang makapasok ng libre sa lahat ng palabas sa festival. Sino ba naman ako para tanggihan ang isang pagkakataong ganito. Ako, na isa lamang hamak na tagahanga ng pelikula sa pinilakang tabing...


Marami pang dumating na artista at dahil dito ay dumami din ang mga taong nag-usyoso. Dumating din sina Susan Roces, Lilia Dizon(!), Amalia Fuentes, Delia Razon, si Manay Ichu Vera Perez(anak ni Doc Perez ng Sampaguita Pictures), si Robert Arevalo,at marami pang iba.
Nandoon din si Nick de Ocampo na siyang executive director ng Mowelfund(na nag-sponsor ng festival) at ang pinakatampok na panauhin….ang dakilang director na si Eddie Romero. Hindi ko palalampasin ang pagkakataong ito. Si Eddie Romero ay isa ng Pambansang Alagad ng Sining at kailangan kong magpapirma sa kanya.
Nung pumasok na kami sa sinehan ay humanap ako ng upuang malapit sa mga artista. Nung Makita kong nakaupo na ang dakilang director ay agad kong nilapitan at nagpapirma sa kanya sa aking “programme booklet”. Mabuti na lamang at maliwanag pa ang mga ilaw kaya pinirmahan niya ito agad. Nagpasalamat ako at bumalik na sa aking kinauupuan.
Bago magsimula ang palabas ay mayroon munang ilang artistang ginawaran ng parangal: sina Kuya Germs, Boots Anson, Susan Roces, si Metring David, at si Leopoldo Salcedo(posthumous, at tinanggap ng kanyang anak.
Nagsalita si Nick de Ocampo at ipinaliwanag na siya pala ang nakadiskubre ng pelikulang Zamboanga sa “Library of Congress” sa Washington habang siya ay isang Fulbright Scholar doon. Bukod sa pelikulang Zamboanga, nadiskubre din ni de Ocampo ang ilang “excerpts” ng pelikulang “Darna” (1951),“Banga ni Zimadar”(1954), at Dyesebel(1953), mula naman sa isang lumang archive ng pelikula sa Thailand.
Bago magsimula ang pelikulang “Zamboanga” pinanood muna namin ang mga “excerpts” na ito. Kahanga-hanga ang mg pelikulang ito. Nakapanghihinayang nga lamang at ito ay hindi na buo at mayroong maraming depekto dahil na rin sa katandaan.
Gayunpaman, ang ginawang pagtuklas na muli ni Ginoong De Ocampo sa mga sinaunang pelikulang ito na nakalimutan ng ng sambayanang Pilipino ay kahanga-hanga. Dito nakikita ang pagmamahal niya sa industriya. Karapat-dapat na siya ay bigyan ng parangal sa mga pagsusumikap niya na masagip ang mga sinaunang pelikulang Pilipino, at magkaroon ng sariling “film archives” ang ating bansa.

Ang excerpt ng “Darna” ay halos sampung minuto lang ang haba. Ang ipinakita lang dito ay ang unang bahagi (nung ipanganak at magdalaga si Valentina, ang babaing ahas na kalaban ni Darna) sapagkat ang ibang bahagi ng pelikula ay nasira na sa tagal ng panahon. Wala na rin itong sounds. Nakakalungkot na ang mga ganitong klasikong pelikula ay natatagpuan pa sa ibang bansa sapagkat tayong mga Pilipino ay hindi natuto ng tamang pagkalinga sa kanila.
Ipinalabas din ang ilang excerpts ng Zimadar na ang salita ay naisalin na sa wikang Intsik. Pagkatapos, bilang pang-enganyo, ipinalabas din ang excerpt ng Dyesebel. Ang pelikulang ito ay buo at nasa orihinal pang lapat na tunog, at maaaring mapanood ng buo sa darating na Linggo(Pebrero 26) sa ganap na alas-sais ng gabi sa Gateway Mall.

Sa wakas ay nagsimula na rin ang pelikulang “Zamboanga” .
Ang Filippine Films ang gumawa ng pelikulang ito noong 1937. Ang direktor ay si Eduardo de Castro at ang mga tampok na bituin ay sina Fernando Poe Sr.(bilang Danao) at Rosa del Rosario( bilang Minda). Kung mapapansin ninyo ang panaglan ng dalawang bida ay Minda at Danao(Mindanao). Mula sa programme booklet ng Zamboanga, na libre ibinibigay sa mga manonood.

Ang unang labinglimang minuto ng pelikula ay pawang mga “vignettes” na nagpapakita sa mga magagandang tanawin sa Zamboanga, gayun din ang mga taong naninirahan dito. Ipinakita din na ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao ay ang paninisid ng perlas sa pusod ng karagatan.
Ang istorya ay umiinog sa pag-iibigan ni Danao, isang maninisid, at si Minda, isang dalagang Muslim na anak ng isang datu sa Zamboanga. Minsan, habang si Danao at ang kanyang mga kasamahang lalaki ay naninisid ng perlas, ang isang karibal na datu sa kabilang pulo ay lumusob sa bayan nina Danao at binihag si Minda upang mapangasawa ng salbaheng datu.
Syempre pagbalik nina Danao at nalaman ang ginawang pagsalakay, naghiganti sila at nilusob ang pulo ng salbaheng datu. Sa wakas ay nagkaharap si Danao at ang datu at sa paglalaban nila ay nahulog ang salbaheng datu sa ilog at dito ay nilamon ito ng mga buwaya. Sa bandang huli ay ipinagdiwang ng lahat ang kasal nina Minda at Danao.

Isa lang ang talagang napansin ko kay Fernando Poe Sr sa pelikulang ito. Kahawig na kahawig niya si Johnny Weismuller, na gumanap sa pelikulang Tarzan noong dekada treinta. Maging ang ayos ng buhok, ang tindig, talagang kahawig. Lalo na nung kalabanin niya yung pating, na nakapag-paalala sa akin sa mga laban ni Tarzan laban sa mga buwaya. Mangyari pa, si Rosa del Rosario(unang gumanap na Darna) ay kahawig din ni Maureen Sullivan na siyang “Jane” naman sa Tarzan.
Dahil ang Zamboanga ay ginawa noong 1937, at ang Tarzan naman ay isinapelikula ni Weismuller sa pagitan ng 1932 hanggang 1945, masasabi kong maaaring naimpluwensyahan ng Tarzan ang pelikulang “Zamboanga”.
Gayunpaman, napakagandang pelikula ng Zamboanga. Ang kanyang mga “underwater” na mga eksena ay pawang magaganda at maaaring pa ring ipantay sa mga katulad na pelikula sa kasalukuyang panahon. Ito rin ang kauna-unahang pelikula na mayroong “underwater kissing scene” sa pagitan nina FPS at Rosa del Rosario. Bukod dito, ito na rin ang itinuturing na pinakamatandang pelikulang Pilipino na buo at walang kulang.

Pagkatapos ng pelikula ay nagpalakpakan kaming mga manonood. Sa wakas ay nabibigyang pansin na rin ang ating mga klasikong pelikula gaya ng ginagawa ng Hollywood sa kanyang mga antigong pelikula. Maraming salamat kay Ginoong Nick de Ocampo sa kanyang mga pagpupunyagi!


Kaya halina kayo sa Cubao at ipagdiwang ang Pelikulang Pilipino!

No comments:

Post a Comment