Ayoko sanang maging emosyonal sa aking mga pagsusulat subalit yan ang itinatakda ng aking damdamin, lalo na dahil Valentines Day ngayon.
Nobyembre 2004 nung una akong naglakbay sa malayong lugar na iyon upang dalawin ang ex-grilfriend ko(na asawa ko na ngayon..kaya nga ex-girlfriend e!). Siguro'y masasabi mo, o mahal na tagabasa, na napakadakila naman ng pag-ibig ko sa bruhang iyon...na kailangan ko pang maglakbay sa ganoong kalayong lugar para lang siya ligawan samantalang napakarami namang babae sa Maynila...may maganda..may pangit..may mestisa...may baluga..may ngipin..may wala..
Misteryo talaga, marahil ginayuma niya ako hehe.
Tandang-tanda ko pa nung sumakay ako ng bus (Nobyembre 4, 2004) alas otso ng umaga sa Araneta Bus Terminal Station sa Cubao. Ang daming tao sa terminal at punuan na ang mga bus na aircon. Kaya ang nabili ko na lang ay yung tiket sa bus na air-pen (air open..bukas ang bintana dahil hindi aircon). Kung sabagay mas mura ng siento singkwenta ang tiket. Maaari kong maibili ng mamimiryenda ang siento singkwenta habang naglalakbay.
Punong-puno ng bagahe ang bus, pati na yung gitna ay tambak ng kung anu-anong mga maleta, mga sako, mga buhay na manok, mga lata ng biskwit, at kung anu-ano pa. Naisip kong ang mga probinsyano talaga'y madali mong makikilala dahil sa napakaraming bitbit palagi.
Nakaupo ako sa may bandang gitna, doon sa tabi ng bintana. Mas gusto kong nakaupo sa tabi ng bintana dahil mahilig akong magmasid-masid ng mga tanawin habang naglalakbay. Medyo nainip ako dahil may iba pang pasahero ang gustong sumakay kahit wala ng bakanteng upuan, at ang sabi'y kahit sa ibabaw na lang ng mga bagahe uupo. May tatlo o apat na pasahero ang pinayagan. Tapos bandang alas-nuwebe, umusad na sa wakas ang bus, ah salamat naman.
Walang gaanong trapik sa South Expressway kaya bandang alas diyes pa lang ay nasa Laguna na kami. Dinaanan namin ang mga bayan ng Kalamba, Los Banos, at Calauan. Tapos nung mapadaan kami ng San Pablo, Laguna, may mga sumakay sa bus na nagtitinda ng mga sitserya at mga minatamis, mayroong mga kending kundol, espasol, makapuno, at syempre pa Buko Pie. May mga libreng tikim upang maenganyo bumili ang mga manlalakbay. Bumili ako ng makapuno, (tatlong balot sa isangdaan)...at isang kahon ng Buko Pie (siyento treinta)..Hmmm napakasarap talaga ng Buko Pie ng San Pablo!
Pagkatapos bumaba nung mga tindera, nagpatuloy na kami sa paglalakbay. Habang nagmamasid-masid sa mga magagandang tanawin, may nakita akong malaking karatula sa anyong pa-arko na nagsasabing "Maraming Salamat Po! Kayo Ay Lumilisan na sa Lalawigan ng Laguna".
Kung gayon, ang lalawigan pagkatawid namin sa karatulang ito ay ang Quezon. Syempre alam ko yan dahil mataas ang grado ko sa Heyograpiya noong nasa elementarya ako. Bilang isang mapagkumbabang tao, masasabi kong kahit sinong tapos ng kolehiyo ay nakakaalam niyan.
Dinaanan namin ang mga magagandang bayan ng Tiaong, Candelaria, at Sariaya. Napakalawak ng mga lupain dito. Ang magkabilang bahagi ng kahabaan ng kalsada ay natataniman ng mga libong puno ng niyog. Tapos, may nadaanan kaming mga batang may mga bitbit na isda na nakasabit sa kanilang mga balikat..kumaway sila sa akin(o sa bus?) kaya kumaway din ako sa kanila, ang mga munti kong kaibigan.
Pagkatapos, mga bandang alas dose ng tanghali huminto ang bus sa tabi ng kalsada sa may tapat ng isang munting karinderya. Ang karinderyang ito ay parang kubo lamang subalit malawak ang loob.
Umibis kaming lahat para dyumingel at kumain. Dahil nasa gitna ako, at napakaraming bagaheng nakaharang sa daraanan, humakbang ako sa mga ito at parang unggoy na lumambitin sa mga bakal sa kisame upang makalabas. Ganito din ang ginawa nung mga kapwa ko pasahero na nakupo sa bandang hulihan. Mabuti na lamng ay di nagagalit ang may-ari ng mga bagahe kahit natatapakan ang kanilang mga gamit.
Pagkababa ng bus tinanong ko yung isang lalaki sa karinderya kung anong bayan na ito. "Lusena" ang wika niya. Ito pala ang Lusena....Kumain ako ng adobo (65 pesos..ang mahal no?) at kanin (15 pesos..ang mahal uli no?)...Habang nagtitinga ako ay sumigaw na ang kunduktor na aalis na kami kaya dali-dali kaming nagsiakyat muli sa bus.....tama kayo palambitin ulit hehe.
Tapos puro kagubatan na ang natatanaw ko...Ang dami pa palang puno sa Pilipinas..ang akala ko ba ay nauubos na ang mga ito? E ang dami pa pala, salamat sa Diyos!
Mga bandang alas dos ng hapon nung maramdaman kong parang umaakyat ang bus sa kabundukan...Tinanong ko yung kunduktor kung kami ba ay papaakyat sa kabundukan.."Oo" ang wika niya, "nasa Atimonan tayo"..hmmm nakakatakot dahil nakikita ko ang bangin na dinaraanan namin..ang nasa ilalim ng bangin ay isang malawak at masukal na kagubatan dahil napakaraming punong-kahoy ang makikita. Pakaliwa-pakanan ang takbo ng bus na mabuti na lang ay may kabagalan kungdi ay baka hindi ko nahangaan ang ganda ng mga tanawing ito..Ang daming mga punong kahoy at mga luntiang bundok ang aking natatanaw..Grabe..kung ikaw ay pinag-uusig ng batas ay dito ka magtago at tiyak walang makakakita sayo kungdi mga NPA, na tiyak na namumugad sa mga kubling pook na ito..
Napansin kong napakatahimik ng lahat..lumingon lingon ako sa mga kapwa ko pasahero at nakita kong halos lahat sila (maliban sa mga paslit nilang kasama) ay nangagsisitulog lahat. Marahil ay araw-araw sila bumibiyahe sa lugar na ito kaya wala na silang pakialam kung gaano man kaganda ang mga tanawin. mga probinsyano talaga..pagdating naman sa Maynila ay nanlalaki ang mga mata sa kalilibot sa Gateway Mall!
Pagkatapos ng isang oras, naramdaman kong bumababa na ang bus sa kabundukan...hmmm kakaiba talaga ang maglakbay sa lupa...makikita mo ng malapitan ang mga bagay-bagay... mga taong lalawigan..mga kalabaw..mga palayan...mga mayayabong na punong kahoy...
Nung nasa patag na uli kami, nakita kong kami ay pumapasok sa isang munting bayan sapagkat mayroon na uling mga kabahayang makikita...tapos parami na ng parami ang mga kabahayan..may mga tindahang sari-sari na rin akong nakikita..may nabasa akong isang karatula sa isang tindahan...Ben's Kainan, Lopez Quezon...Ah ito pala ang Lopez Quezon...magandang bayan ito. Dinaanan namin ang isang railroad track na marahil ay patungong Bikol...
Huminto muli ang bus upang magmiryenda ang mga pasahero. Nakipagkwentuhan muna ako sa mga kapwa ko pasahero habang kumakain. Tinanong ko yung katabi ko sa upuan (isang dalaga) kung saan ang tungo niya.."Catbalogan" ang sagot niya. Merly ang pangalan niya. Tapos nalaman ko na sa Cubao pala siya nagtatrabaho bilang isang saleslady sa Isetann. Natuwa ako kaya nilibre ko siya ng miryenda..turon at sopdringk...Sinabi niya na pista daw sa kanila sa linggo kaya siya uuwi. Ako naman sinabi kong may dadalawing isang "kaibigan". Nakakatuwang hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin siya sa Isetann at nginingitian siya pag bumibili ako doon.
Tapos dinaanan namin yung Gumaca. Nakita ko yung "welcome sign" ng bayang ito na nasa gilid ng kalsada at may anyong isdang karpa na may nakasulat na "Gumaca". Ang bayang ito ay nasa tabing dalampasigan...napakagandang dagat nito..bughaw at napakabanayad ng mga alon..mula sa aking bintana ay natatanaw ko ang mga mumunting kasko at bangka sa di kalayuan na marahil ay lulan ang mga dakilang mangingisda ng Gumaca...kanina bundok yung dinaanan namin..tapos kagubatan..tapos karagatan naman..Napakaganda talaga ng aking bansa! Mahal na mahal ko ang aking bayan!
Bukas naman ang Part Two..Ang paglalakbay sa Rehiyon ng Bikol....
HAPPY VALENTINES DAY!
No comments:
Post a Comment