Ang una kong pinanood ay Tampopo(1985) na pelikula ni Juzo Itami. Napakaganda ng pelikulang ito na tungkol sa isang single mother na ang tanging pangarap sa buhay ay makapagtinda ng perpektong mami...susmaryosep, siguro sasabihin mo...napakasimple naman ng kanyang pangarap.....Pero sa temang ito ay nagpakita ng maraming nakatutuwang "vignettes" si Izami para ilarawan ang relasyon ng tao sa kanyang mga pagkain. Ang daming mga tagpo na talagang nakatuwa dahil habang ang bida ay naghahanap ng tamang recipe para sa kanyang mami, mayroong mga isiningit na mga maliliit na tagpo tungkol sa pagkain..Halimabawa ay yung isang lalaking nakitang tumatakbo pauwi dahil naghihingalo na ang kanyang maysakit na maybahay. Ang una niyang ginawa pagdating ay ipinagluto ang kanyang asawa ng sinangag. Nakakatawang habang naghihingalo ang kanyang asawa ay panay naman ang nguya ng sinangag.
Si Goro at si Tampopo sa isang tagpo sa komedyang "Tampopo", 1985.
Tapos balik uli ang tagpo doon sa bida. Kung sino-sino ang tumulong sa kanya para makapagluto ng perpektong mami. Sa bandang huli isang matandang maestro ang nagbigay sa kanya ng lihim kung paanong mapapasarap lalo ang sabaw ng mami(palagay ko ay pamilyar na kayo sa mga pelikulang Hapon o Intsik na kung saan ang bida ay tinutulungan sa bandang huli ng isang "old master")
Napakagandang pelikula nito, maganda ang humor at maituturing kong isa na sa pinakanakakatawang pelikulang napanood ko. Para doon sa mga fans ni Akira Kurosawa na hindi pa nakapanood ng pelikulang Hapon na walang halong "samurai", subukan ninyo itong pelikula ni Izami at tiyak na magagadahan din kayo. Tama kayo, pagkatapos ninyong panoorin ito ay tiyak na magugutom kayo, at maghahanap ng masarap at mainit na mami.
Ang isa pang pinanood ko ay ang "Rickshaw Boy" (1982, Dir.Zi feng Ling). Kung ang Tampopo ay nakapagpahagalpak sa akin sa tawa, ito namang Rickshaw Boy ay medyo nakapagpalungkot sa akin. Napakaganda kasi ng kwento nito na umiinog sa buhay ni Xiang Zi, isang mapagkumbabang binata noong panahong bago magka-Rebolusyon sa Tsina(1920s). Namasukan si Xiang Zi bilang isang tagabuhat ng karetela na pagmamay-ari ng isang tusong mangangalakal. Ang tusong mangangalakal na ito ay may isang anak na matandang dalaga, ang oportunista subalit mabait na si Hunui. Nagustuhan ni Hunui si Xiang Zi, bagay na ikinahiya ni Xiang dahil si Hunui ay mas matanda sa kanya ng sampung taon, at bukod pa doon ay malayo ang kanilang agwat sa buhay. Tumakas si Xiang pero nahanap siyang muli ni Hunui at nagpilit makasal dahil nagkunwaring buntis siya. Dahil dito napilitang magpakasal si Xiang kay Hunui, bagay naman na di matanggap ng amang tuso ni Hunui kaya sila ay itinakwil pareho.
Si Xiang at si Hunui sa isang tagpo sa nakakabagbag ng pusong "Rickshaw Boy", 1982.
Tapos ang dalawa ay namuhay na ng payapa, at si Xiang ay nagtrabaho ng husto para makabili ng sariling "Rickshaw", at para na din sa kinabukasan ng kanyang magiging anak. Sa bandang huli nalaman niyang hindi naman pala buntis si Hunui, pero pinatawad pa rin niya ito. Sa bandang huli namatay si Hunui bagay na dinamdam ng husto ni Xiang.
Maraming mga panglipunang suliranin sa Tsina ang tinalakay ng pelikulang ito, tulad ng kriminalidad, at prostitusyon na isa sa mga bunga ng karalitaan. Kakatwang ang mga suliraning ito ay kaakibat ng bawat lipunan at walang pinipili.
Sa kabuuan, napakaganda ng pelikulang ito. Nakakabagbag puso lalo na ang ipinamalas na mga mabubuting katangian ni Xiang bilang mapagkumbabang “Rickshaw Boy”.
Matapos manood, nagpunta ako sa kusina para magtimpla ng kape. Pagkatapos, nagpunta ako sa beranda ng aking bahay upang magpahangin ng kaunti. Napakadilim na sa aming kalye at ang nakapagbibigay lang ng kaunting liwanag ay ang malamlam na bumbilyang plorescent sa poste sa kanto. Malamig ang hangin at naghalukipkip ako. Marahil ay nasa dalawampung sentigrado ang lamig na ito. Kumuha ako ng kumot at ibinalabal ito sa aking katawan....
Sa totoo lang, ninanamnam pa ng isip ko ang dalawang pelikulang pinanood ko kaya parang ayaw ko pang matulog.
Tangan ang tasa ng kape, humigop ako at ninamnam ang sarap ng aking pagkatimpla. Bahagya ang katapangan ng kape subalit nilalabanan ito ng bahagyang tamis ng Nutrasweet Zero-Calorie Sweetener. Tapos namutawi sa labi ko.....dalawang pelikula....Isang gawang Hapon at isang gawang intsik, parehong Asyano. Yung isa nakakatawa samantalang yung isa naman nakakalungkot. Parang buhay ng tao. Minsan masaya, minsan malungkot. O kaya naman masaya nga sa panlabas na anyo subalit malungkot naman sa panloob. O kabaligtaran. Parang dalawang mukha ng pinilakang tabing:may nakatawa at may nakangiwi.
Talagang tuwing manonood ako ng pelikulang makabuluhan ay nakakapag-isip ako ng mga pilosopikal na bagay na di ko karaniwang naiisip. Halimbawa, kung ikaw lang mismo ang titingin sa suliranin mo, maaaring maguluhan ka. Subali’t kung ang iyong mga suliranin ay makikita mo sa isang karakter sa pelikula o nobela mabibigyan ka ng makabago at kakaibang pagtanaw dito. Tunay na mas nabibigyang rason natin ang maraming bagay kung titingnan ito sa ibang perspektibo. Ito ang dahilan kaya pinipili ko ang mga pelikula (o nobela) na may temang “social realism” dahil mas nakaka-relate ako dito.
Ma-aalas dos na pala ng madaling-araw. Pumunta ako sa aking kwarto at humiga sa kama. Ahhh ang sarap mabuhay…Talagang masarap ang pakiramdam ng taong masaya sa ginagawa niya sa buhay....walang mga alalahanin...maliban sa nakaambang laki ng buwis sa R-Vat.....binuksan ko ang aking Sony cd player at isanalang ang Piano Concerto #1 ni Tchaikovsky....mahina lamang...sapat lang na ako lang ang makakarinig....ah napakagandang tugtugin......
Bukas ang panonoorin ko naman ay “Potemkin” ni Sergei Eisenstein at “Grand Illusion ” ni Renoir. Tiyak na marami na naman akong matututunan dito.
No comments:
Post a Comment