Wednesday, February 1, 2006

Panahon ng Habagat

Kanina habang naglalakad ako sa Cubao ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. Biglang bigla ito. Ang mga taong naglalakad na walang dalang payong ay parang mga patong nagsipagtakbuhan sa iba-ibang direksyon, upang humanap ng masisilungan. Dahil wala din akong dalang payong, dagli kong itinakip ang mga kamay sa aking ulo at mabilis na tumakbo patungong Farmer's. Karaniwan ng sa malakas na bugso ng ulan, ang mga naglalakad ay sumisilong sa gilid ng Farmer's upang magpatila ng ulan. Dito ay nagsisiksikan, magkakadikit ang mga siko, walang pansinan, at basa ang mga sapatos at tuhod.
Pagkatapos ay biglang tumigil din ang ulan pagkalipas ng ilang minuto, at muli na namang nakita ang araw sa pagitan ng mga ulap. Kakatwa talaga.
Naisip ko tuloy na panahon na nga pala ng habagat sa Pilipinas. Sa panahon ng habagat, di mo mahuhulaan ang lagay ng panahon. Halimbawa ngayon ay napakatindi ng sikat ng araw subalit biglang bigla ay magkukulumpon ang makakapal na ulap sa kalangitan at unti unti ay papatak ang ulan at bubuhos ng napakalakas. Walang anu-ano'y titgil ito at muli na namang magliliwanag ang kalangitan na para bang walang nangyaring panadaliang unos.
Habang naghihintay ng pagtila ng ulan, ipinasya kong pumasok muna sa Farmer's upang makahigop ng mainit na kape. Pumasok ako sa Mr.Donut at umorder ng kanilang ipinagmamalaking "brewed coffee" sa presyong beinte pesos. Tapos ngumatngat ako ng isang "bavarian" donut. Ang donut ay isinasawsaw ko sa kape, at pagkatapos ay hinihigop ko naman ang kape, "ahhhh, napakasarap naman!" ang wika ko sa sarili ko.
Tapos naisip kong bumili ng payong...pero teka parang may phobia na ako sa payong dahil parati na lang itong nawawala sa akin. Pero paano naman kung di pa tumigil ang ulan? Siguradong mdi ako makakauwi...kaya sa bandang huli pumunta pa rin ako sa Fairmart para mag-canvass ng payong.
Ang daming klase ng payong ayon sa presyo at pagkakagawa. May mura yung tig-sisingkwenta. Pero naisip kong mura ito dahil payak lang ang pagkakagawa at maaaring ilang gamitan lamang ay sira na. O kaya ay mahanginan lang ay nababali na ang tadyang.
Yung mamahalin ay tig-tres sientos ang isa. Hmmm...mukhang okey ang payong na ito Mukhang matibay ang pagkakagawa. Ayos ito, mukhang pang-mayaman ang dating. Pero nag-aalala lang ako dahil ang disenyo nito ay di nababagay sa isang lalaking katulad ko. Ito ay tatlong tupi at may disenyong "polka dots".
Sa bandang huli ang binili ko na lang ay yung tigdo-dos sientos...Kulay bughaw at dalawang tupi.
Paglabas ko sa Farmer's ay sakto namang tumigil na ang ulan. Sayang, ang sarap pa naman sana sigurong gamitin nitong aking bagong payong!
Hmmp, makauwi na nga lang...sumakay ako ng bus at nagbayad ng kaukulang pamasahe...Matapos ang ilang minuto ay bumaba ako at naglakad na patungo sa aking bahay.
Nakakailang hakbang pa lang ako ay bigla na namang umulan.....kaya tumakbo ako at itinakip ang aking mga kamay sa aking ulo...Teka...itinakip ang mga kamay?...

Sa isang bus, sa isang lugar sa Metro Manila ay may isang bagong bagong payong ang naglalakbay patungo sa walang hanggang.

Nakatindig ako sa gitna ng ulan na napapikit at hindi gumagalaw. Ang tubig ay umaagos sa aking kuwelyo hanggang sa loob ng aking sapatos... nanghihinayang...

KUNG DALAWANG PAYONG MAN LANG SANA ANG BINILI KO KANINA!

No comments:

Post a Comment