Monday, February 27, 2006

Perya sa Novaliches

Nakakatuwang balik-tanawan ang mga bagay bagay na ginagawa natin noong bata pa tayo. Sabi nga ng dakilang awtor na si Antoine de St.Exupery, sa kanyang aklat na "Ang Munting Prinsipe", "Lahat naman tayo'y may mga pusong bata sa ating damdamin, subalit bilang matatanda ay ikinahihiya nating ipahiwatig ito".
Kagabi habang naglalakad ako upang dalawin ang aking mga lolo at lola sa aming antigong bahay sa Novaliches, ay napadaan ako sa isang Peryahan. Naalala kong malapit na nga palang magpiyesta sa aming bayan sa Novaliches, kaya bilang parte ng pagbibigay kasiyahan, ang Kumite de Festejos ay kumontrata ng mga naglalakbay na Peryahan.
Syempre, masaya ang lahat tuwing magpi-pista. Ang mga lansangan ay napapalamutian ng mga nakasabit na makukulay na mga banderitas. Napag-alaman kong sa araw mismo ng Pista ay magkakaroon ng mga patimpalak na nakagawian na tulad ng mga palarong basketbol para sa mga kabataan, mga "amateur singing contest", at bilang pinakamasayang bahagi sa gabi ng Pista ay gaganapin ang patimpalak na "Binibining Barang-Gay ng Novaliches" na paligsahan ng pinaka-bonggang mga bakla sa nayon.
Kasama ang ilang mga pinsan ay nag-puntahan kami sa Perya dahil matagal ko na ding hindi ginagawa ito. Naalala ko tuloy ang mga masasayang mga sandali noong ako'y musmos pa na walang inatupag kundi ang maglaro, magpumilit mamasyal sa Luneta, at magtungo sa Perya.
Narito ang ilang larawang kuha ko kagabi, medyo kakaiba sa mga nakaraang mga larawan ko, subalit pagbigyan na ninyo ako...ako'y mayroon ding "pusong bata sa aking damdamin" tulad ng sinabi ni de St. Exupery...at ito nama'y hindi ko ikinahihiyang ipahiwatig. Sa tapat ng Tsubibo. Ang mga kabataang ito'y nangangarap sumakay sa Tsubibo pero wala man lang kahit isang kusing na pera. Binigyan ko na lang sila ng tig-tatatlong piso upang itaya sa Binggo, baka manalo ay pwede na silang makasakay sa pinapangarap na tsubibo!

Ticket Booth. Dose pesos lang makakasakay ka na sa Tsubibo.


Taya na!Sa pisong taya ay maaari kang tumama ng mga sitserya, mga baso, mga pinggan, o kaya mga manyika. Mayroon akong nakitang arinola...kala ko premyo din, hindi pala. Lalagyan pala ng barya!

Ang Ruleta ng Kapalaran. Ang babaing ito'y waring nag-iisip kung itataya pa niya ang natitirang barya sa kanyang bulsa.




Kung saan kulay ng butas tumapat ang pulang bola ay yung ang panalo. Sa bawat pisong taya ay limang piso ang tama.



Halinang mag-binggo sa binggohan ni Mang Inggo! May blackout Bingo ngayong gabi kaya ang mga tao'y taya ng taya upang mapanalunan ang isang kabang bigas na premyo!

Ang lahat ay masaya sa peryahan. Tulad na lamang ng mga kabataang ito na kahit natalo sa binggohan ay masaya pa ring nagpakuha ng larawan sa akin. Hoy mga ineng mag-siuwi na kayo at tiyak na mahuhuli na naman kayo sa klase bukas!

Syempre sa peryahan ay di mauubusan ng mabibilhan ng mangangatngat..Tulad na lamang ng mga ito.....

Mulawin Chicken. Hahaha Mulawin Chicken!!! Dito piniprito si Aguiluz at si Alwina hehe!Isang maliit na ka-kumpitensya ni Col. Sanders ng KFC! Mas mura naman dito: ang hita ng manok ay 29 pesos lamang, ang leeg ay sais pesos lang. "Sarsa pa lang, ulam na!" O kaya ba nila ang ganyang pang-akit! Teka ale, pwede po bang magpadagdag ng konti pang sarsa?..ahhhh maraming salamat!

Mani, Kornik, Minatamis na Beans, at Popcorn! Kaya lang naubos na daw ang popcorn sa gabing ito, ang sabi ng binatilyong nagtitinda.

Sa malamig, sa malamig kayo diyan! Huwag kayong mag-alala ang aming tubig ay malinis, hindi galing sa poso kundi galing sa Nawasa! Sa tres pesos kada baso ay di ba't napakamura!


Ang Bibingka ni Aling Titina, Bow! May keso, deyri krim, hiwa ng itlog na pula, at niyog sa ibabaw ng bibingka ni Aling Titina. O Aling Titina, napakasarap naman ng iyong bibingka, lalo na't kung ipapareha ang mainit na tsaa! Tunay na natatakam ang aking dila, upang matikman lamang ang bibingka ni Titina!

No comments:

Post a Comment