Magtatakipsilim na ng marating namin ang Kamarines Norte
Umibis din ako upang mag-masid masid. Takipsilim na at papalatag na ang kadiliman kaya napansin ko na wala palang kuryente ang bayang ito sanhi ng nagdaang bagyo noong nakaraang linggo. Sa pakikipanayam ko sa ilang residente, napag-alaman ko na ganito daw talaga sa kanilang bayan tuwing matapos ang bagyo. Nakakatuwang isipin na ang mga probinsyano ay matiisin kumpara sa mga taga-lungsod. Kung ganito ang mangyari sa Maynila, tiyak na ang mga residente ay nagtungo na sa Malakanyang at hihilingin ang pagbibitiw ng Pangulo. Datapwat dito sa mga liblib na pook ay parang napakanatural lang ang mga ganitong kaganapan. Kungsabagay, karamihan sa mga tao sa pook na ito ay hindi naman gumagamit ng mga de-koryenteng kasangkapan. Kaipala’y marami pa rin sa kanila ang gumagamit ng mga kalang de uling.
Ang mga ilaw ng lampara at kandila ang nagbibigay liwanag sa mga kabahayan…Sa pagkakataong ito, naramdaman kong napakalayo ko na talaga sa aking Maynila. Ang tanging maririnig lang dito ay ang manaka-nakang ingay ng isang dumaraang sasakyan, at matapos makalampas ito ay unti-unti na namang mananaig ang ingay ng mga kuliglig. Sa harap ng karinderya ay may ilang kabataan ang nag-uumpukan at tumutugtog ng ilang awitin sa saliw ng kanilang gitara. Naisip kong mukhang manghaharana ang mga ito o kaya naman ay dadayo sa mga lamayan. Tunay nga, mayroon pa kayang nanghaharana sa mga nayong ganito?Napakapayak talaga ng buhay sa nayon. Kung sa Maynila ito ay tiyak na ang mga kabataan ay nag-uumpukan sa bilyaran.
Bumili ako ng Cornick na mangangatngat habang nagbibiyahe. Tapos sumakay na muli kami sa bus upang magpatuloy ng aming paglalakbay.
Tanging ang malamlam na liwanag ng buwan ang aming gabay sa aming paglalakbay dahil sa kawalan ng kuryente sanhi ng nagdaang bagyo.
Habang naglalakbay ay panay naman ang tingin ko sa mga munting bayan na aming dinaraanan. Napansin kong ang bawat daanan naming bayan ay walang kuryente, kaya tuloy nakapagbigay ito sa aking damdamin ng wari’y naglalakbay ako noon pang panahon ng kastila. Mabuti na lamang at sa kalangitan ay lumitaw ang bilog na buwan na kanina’y natatakpan ng makapal na ulap. Ang bughaw at malamlam na liwanag ng buwan ang siyang tanging liwanag na tumatanglaw sa aming dinaraanan.
Habang binabagtas namin ang kahabaan ng kalsada, nagsalita ang kunduktor na isara namin ang aming mga bintana, mangyari’y mayroon palang pagkakataon noong mga nakaraan na may mga namato sa gilid ng kalsada at ilang pasahero ang napinsala.
Ang mga kapwa ko na nasa tabi ng bintana ay nagsara ng bintana subalit minabuti kong isara lamang ng kalahati ang aking bintana. Nais ko kasing maramdaman ang hampas ng hangin sa aking mukha habang naglalakbay. Kung sabagay, ang katabi ko namang si Merly ay kanina pa tulog na tulog. Ang kanyang ulo ay bahagyang sumasandal sa aking balikat subalit sa tuwing matutuloy ang kanyang pagdantay dahil sa pag-idlip ay bigla naman siyang bumabalikwas at dumideretsong muli sa pag-upo, sabay hingi ng paumanhin.
Wala namang salbaheng namato sa aming bus. Maaring ang pamamato noo’y isa lamang ligaw na insidente, subalit dahil sa insidenteng iyon ay kailangang ipasara ang bintana sa lahat ng pagkakataon habang nagbabantay sa kalsadang ito. Tunay nga, nakakatakot maglakbay sa gabi sa kahabaan ng kalsadang ito lalo ng ngayong pusikit ang gabi dahil sa kawalan ng kuryente. Halos wala kaming nakikitang kabahayan…puro punong kahoy ang nasa magkabilang gilid ng kalsada. Sa liwanag ng buwan ay naaninag ko ang mga burol, ang mga kabundukan, at mga punong kahoy.
Ang lahat ng kapwa ko pasahero ay tulog na lahat. Tatlo na lang yata kaming gising: ako, ang kunduktor, at ang tsuper. Dinaanan naming ang bayn ng Naga subalit hindi hindi kami tumigil dito.
Matapos ang isang oras pang paglalakbay ay narating namin ang bayan ng Pili. Marahang tumabi sa gilid ng kalsada ang aming bus at sumigaw ang kunduktor na kami daw ay nasa bayan ng Pili, lalawigan ng Kamarines Sur. Wala pa ring kuryente sa bayang ito. Marahil ng gabing iyon, ang buong Kamarines ay walang kuryente. Salamat na lamang at ang munting karinderyang aming kakainan ay natatanglawan ng maliliwanag ng Kolman. Napansin kong may kasabay kaming isa pang bus na tumigil sa karinderya upang kumain. Ang bus na iyon ay pabalik naman sa Maynila dahil nabasa ko ang karatula sa harap ng bus na may nakasulat na “Pasay/Cubao”.
Pagkatapos dyumigel, bumili ako ng mainit na kape at biskotso. Isinasawsaw ko ang biskotso sa mainit na kape na sa tingin ko ay isang nararapat na paraan ng pagkain ng biskotso. Naalala ko tuloy na ang mga Pilipino daw ay malinis na mga tao dahil hinuhugasan muna sa kape ang tinapay bago kainin. Salaula din naman sapagkat matapos hugasan ay hihigupin naman ang pinaghugasan.
Sa harapan ng tindahan ay may mga itinitindang suman . Ako ay isang tao na mahiligin sa suman at minsan ibinabase ko ang husay ng “cuisine” ng isang bayan sa kanyang suman. Bumili ako ng ilang piraso upang tikman ang suman ng Kamarines Sur. Ang sumang ito ay yari sa kamoteng kahoy. Malambot sa pagkagat at may katamisan. Palagay ko ay ganito din ang sumang Maynila subalit mas malinamnam ito ng kaunti. Dahil nasarapan ako, bumili pa ako ng ilang piraso upang ipasalubong sa aking kasintahan.
Matapos ang ilang minuto, unti-unti na kaming nagsakayan sa aming bus. Dahil mag-aalas otso na, at nararamdaman ko na ang mahalumigmig na simoy ng hangin, isinuot ko na ang aking pangginaw.
Aywan ko ba kung bakit ako di dalawin ng antok. Marahil ay dala ito ng aking “excitement” sa aming paglalakbay. Kakatwa talaga. Kung ano-ano pang bayan ang dinaanan namin subalit sa dilim ng mga kalsada ay di ko na makita kung ano ang mga bayang yaon..
Sa puntong ito ay nakatulog ako ng bahagya. Tapos nagising ako ng sumigaw na naman ang kunduktor na kami ay nasa lalawigan na ng Sorsogon. Tumingin ako sa aking relos: Ala una ng madaling araw.
Huminto kami mismo sa terminal ng bus dahil magkakarga daw ito ng gasolina at magpapalit ng gulong. Buti naman at ang terminal ay katabi mismo ng mga kaninan: may Jolibee, may Chowking, may ilang maliliit na karinderya. Napansin ko din na mayroon ng kuryente sa bayang ito. Pumasok ako sa Chowking(opo, beinte kwatro oras ang operasyon nila) at nagminindal ng kape at siopao. Pamahalaang lungsod ng Sorsogon. Napapalamutian ito ng mga mumunting bumbilya tuwing magpapasko.
Pagkatapos, muli na naman kaming sumakay ng bus upang ipagpatuloy ang paglalakbay. Sa liwanag ng buwan ay napansin kong sa bandang kaliwa ng kalsada ay may isang napakalaking bundok ang aming dinadaanan. Naaaninag ko ito dahil ang bundok ay napapaliguan ng bughaw na liwanag ng buwan. Dahil kami ay nasa Sorsogon, marahil ang bundok na ito ang Bulkang Bulusan na siyang pinaka-prominenteng bundok sa lalawigang ito. Tama nga, ito ang sabi sa akin nung kunduktor.
Bandang alas dos ng madaling araw ay marambaman kong ang bus ay pumapasok sa isang terminal. Tama, terminal nga…pero hindi terminal ng bus kundi terminal ng bapor. Tumigil ang bus at nagbigay ng paalala ang kunduktor na kami ay nasa Matnog na at ang aming bus ay sasakay sa “ferry”. Kakailanganin namin munang magpatala isa-isa sa terminal at magbayad ng kaukulang buwis o “terminal fee”.
Pagbaba sa bus ay napansin kong ang ilang bus na sasakay din sa “ferry”. Matapos magbayad ng kaukulang buwis, kinailangan naming maghintay pa ng ilang sandali sa terminal spagkat papasok pa ang mga bus sa loob ng “ferry”. Mabuti na lamang ay maraming nagtitinda ng mga pagkain sa terminal. Pagkatapos humigop ng mainit na kape, pumasok na kami sa daungan at dito ay nakita ko ang bus na animo’y nilalamon ng “ferry” habang pumapasok sa kalooban nito. Sumakay na rin kami sa bapor makalipas ang ilang sandali.
Ang ferry ay may apat na palapag. Ang mga pasahero ay nagkanya-kanya na ng upo sa kanilang napiling bahagi ng bapor. Ako naman ay tumungo sa pinakataas na bahagi, sa ikaapat na palapag sapagkat nais kong masdan ang ganda ng karagatan na para bang ako ay nasa Titanic. Tapos may narinig akong mga sumisigaw sa ibaba ng bapor…pero hindi sa loob ng bapor kundi sa labas ng bapor! May ilang bahagi ng dagat ang natatanglawan ng mga ilaw ng bapor at sa tulong nito ay nakita ko ang ilang kabataang lumalangoy sa dagat, kumakaway sa amin at sumisigaw “piso!!!!pisooo!!!”
Ito pala ang mga maninisid ng barya sa Matnog. Dumukot ako sa aking bulsa at ibinato sa kanila ang lahat ng aking barya. Pagkahagis na pagkahagis ko ay sumisid na kapwa ang mga ito at nag-unahan sa pagkuha ng aking barya. Napakgaling nila sa ilang sandali pa ay nakabalik agad sila sa ibabaw at nagpasalamat sa akin.
Pagkatapos ng ilang minuto ay umusad na sa wakas ang bapor. Ahhh salamat naman! Paalam o aking Luzon! Subalit panandalian lamang! Ako’y naglalakbay sa isang malayong lugar upang sundin ang itinitibok ng aking puso. Sana’y hindi ako mabigo!
Habang tinatahak ng bapor ang Strait ng San Bernardino(patungong Samar) niramdam ko ang banayad na hangin sa aking mukha…Ahhh napakasarap at napakasariwa ng hangin! Tumingin ako sa kalangitan at pinagmasadan ang kabilugan ng buwan. Ang malamlam na liwanag nito ay sumisinag sa banayad na lambing ng alon ng dagat. Paminsan-minsan, ang buwan ay magtatago sa likuran ng mga ulap subalit paglitaw nitong muli, ang bawat sinag ay nakapagpapahungkag sa aking nabaghang damdamin. Naalala ko tuloy ang tugtuging “Moonlight Sonata” ni Beethoven, na sinasabing kinatha ng dakilang kompositor habang naglalayag sa ilog ng Rhine sa Alemanya isang gabing mabilog din ang buwan. Napansin kong halos ako lang yata ang naglalakbay na nag-iisa dahil ang karamihan ng kasama ko sa bapor ay pawang may mga kasama. Isang magkasintahan ang nag-susuno sa isang gilid ng bapor at mahigpit na magkayakap habang tinatanaw ang banayad na alon na naliliwanagan ng sikat ng buwan. Feeling Titanic ha? Hehe.
Sa susunod naman…Ang una kong pagdalaw sa lalawigan ng Samar!
No comments:
Post a Comment